LUNGSOD NG MALOLOS — Hindi lamang simpleng pagkakaloob ng lote, kundi katuparan ng matagal nang pangarap na magkaroon ng sariling lupang matitirhan ang 68 pamilya sa Barangay Santisima Trinidad, matapos personal na igawad ni Mayor Christian D. Natividad ang 40 lote noong Oktubre 23, 2026.
Sa loob ng maraming taon, nanirahan ang mga pamilya sa lupang hindi nila pag-aari, dala ang pangamba na anumang oras ay maaari silang paalisin ng tunay na may-ari.
Sa kabila ng pagkakaroon ng sariling tahanan, nanatiling walang katiyakan ang kanilang paninirahan dahil wala silang sariling lupang matatawag na kanila.

Ngunit sa pagkakaloob ng mga lote sa Purok 4, Barangay Santisima Trinidad, nabigyan sila ng pagkakataong magkaroon ng mas panatag na tirahan at mas matibay na pundasyon para sa kinabukasan ng kanilang mga pamilya.
Ayon sa mga residente, may pribadong nagke-claim sa lupang kinatatayuan nila. At sa batas, kahit 30 taon ka nang nakatira, kung may titulo ang iba, pwede ka pa ring paalisin.
Doon pumasok ang desisyon ni Mayor Christian D. Natividad. Isang desisyon na matagal na binuo at dinitalyado nang sa ganun ay maipamahagi ang mga lote sa mga Malolenyong matagal na panahong nangarap.
Imbes na hayaan tuluyang mapaalis ng tunay na nag-mamay-ari ng lupang kinatitirikan ng mga kabahayan, inalok ng alkalde na bilhin na mismo ng city hall ang lupa at ipasok sa pabahay ng lungsod. Hindi demolisyon ang solusyon, kundi pagbili. Hindi pagpapalayas, kundi pagyakap at pag-unawa sa mga nasa laylayang Malolenyo.
Dahil dito, ang 40 lote na may 68 pamilya. Ibig sabihin, may maghahati, may magsasama sa iisang lote pero ang mahalaga, may kasiguruhan na. May papel na. May titulo nang parating.
Ito ang diwa ng programang pabahay ng Malolos hindi lang bahay ang ibinibigay, kundi kapanatagan.
Sa panahon ngayon na ang lupa ay ginagawang negosyo, bihirang makakita ng gobyernong bibili ng lupa para ibigay sa tao, hindi para ibenta sa developer.
Kaya para sa 68 pamilya ng Santisima Trinidad, ang Oktubre 23 ay hindi lang petsa ng awarding. Ito ang araw na hindi na sila squatter sa sarili nilang tahanan.
“Dakila ang Bayan na may Malasakit sa Mamamayan.” (UnliNews Online)

