LUNGSOD NG MALOLOS — Dalawang lalaki ang naaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malolos City Police Station sa isinagawang buy-bust operation bandang alas-9:20 ng gabi noong Oktubre 21, 2026, sa Barangay Sto. Rosario.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Boy T,” 32 taong gulang, isang helper, at isang edad 25 taong gulang, isang construction worker. Kapwa sila residente ng Sabitan Street, Barangay Sto. Rosario, Malolos City, Bulacan.
Nasamsam sa operasyon ang apat na maliliit na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiyang hinihinalang shabu, na may kabuuang tinatayang timbang na 3.0 gramo at nagkakahalaga ng P20,400. Narekober din ang isang P500 bill na ginamit bilang buy-bust money.
Dinala ang mga suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya sa Malolos City Police Station bandang alas-10:00 ng gabi ng parehong araw para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon ng kanilang kaso. Nahaharap naman ang dalawa sa kasong paglabag sa Sections 5 Article 11, ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy na pinaiigting ng Malolos PNP ang kampanya laban sa iligal na droga sa pamamagitan ng mga operasyong naglalayong mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng komunidad. (UnliNews Online)

