PULILAN, Bulacan — Nauwi sa kamatayan ang biyahe ng isang 32-anyos na motorista matapos sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa isang iligal na nakaparadang trailer truck sa Pulilan-Baliwag Bypass Road sa Barangay Dulong Malabon, Pulilan noong Huwebes ng gabi (Oct. 29).
Base sa paunang imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng biktima ang nasabing kalsada lampas alas-7 ng gabi nang bumangga ang motorsiklo nito sa kaliwang bahagi ng likuran ng isang puting Hino trailer truck (tractor head) na may plakang NEK5633.
Nabatid na iligal na nakaparada ang trak sa kanang bahagi ng kalsada nang mangyari ang aksidente, dahilan upang sumalpok dito ang motorsiklo ng biktima. Nagtamo ang motorista ng malubhang pinsala sa katawan.
Agad siyang isinugod sa Baliwag District Hospital ngunit idineklara siyang dead on arrival ng doktor dakong alas-8:50 ng gabi.
Samantala, kinumpirma ni Lt. Col. Eric Cister, hepe ng Pulilan Municipal Police Station, na nagkaroon na ng mapayapang kasunduan ang mga kaanak ng biktima at ang drayber ng trak. (UnliNews Online)
Note: This is an AI-generated illustration, not an actual accident photo.

