Friday, September 20, 2024
Amana Water Park
HomeNational News5,892 trabaho, bubuksan sa 4 Jobs Fairs sa Bulacan simula Mayo 1

5,892 trabaho, bubuksan sa 4 Jobs Fairs sa Bulacan simula Mayo 1

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Apat na sunud-sunod na mga Jobs Fairs ang bubuksan ng Department of Labor and Employment o DOLE sa Bulacan simula sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa Mayo 1, 2023.

Ayon kay Hannibal Jose Capili, Labor and Employment Officer ng DOLE-Bulacan, 5,892 na mga trabaho ang iaalok. Idadaos ang unang Jobs Fair sa mismong Araw ng Paggawa sa Mayo 1, 2023 sa SM City Marilao, kung saan nasa 45 na mga lokal na employers ang magbubukas ng 2,072 na lokal na mga trabaho.

Sa araw ding ito, kasabay na idadaos ang isa pang Jobs Fair sa Business One Stop Shop ng Pamahalaang Lungsod ng San Jose Del Monte na nasa groundfloor ng SM City San Jose Del Monte. Nasa 14 na mga lokal na employers ang magbubukas naman ng nasa 2,200 na mga trabaho.

Iba pa rito ang limang employers na sertipikado ng Department of Migrant Workers o DMW na mag-aalok ng sari-saring trabaho sa ibang bansa.

Sa Mayo 3, 2023, nasa 768 na mga lokal na trabaho ang bubuksan sa gaganaping Jobs Fair sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod ng Malolos, Bulacan. Magkatuwang itong isasagawa ng DOLE at ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office (PYSPESO).

Habang nasa 852 na mga lokal na trabaho ang iaalok ng nasa 16 na mga employers sa isa pang Jobs Fair na gaganapin sa SM City Baliwag sa Mayo 4, 2023.

Ang mga iaalok na trabaho ay nasa sektor ng advertisement, agribusiness, automotive, banking and finance, construction, electrical, engineering, health care, hospitality and tourism, human resource, manufacturing, retail at wellness.

Sinabi ni Capili na ginawang malawak at mahaba ang panahon ng pagdadaos ng mga Jobs Fairs kaugnay ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, alinsunod sa direktiba ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma.

Kabilang ang paglikha at pagdadagdag ng mga dekalidad na trabaho sa 8-Point Socio Economic Agenda ng administrasyong Marcos alinsunod sa umiiral na 2023-2028 Philippine Development Plan o PDP.

Samantala, pinayuhan ni Capili ang mga aplikante sa mahabang listahan ng mga iniaalok na mga trabaho na magrehistro Public Employment Service Office o PESO ng bayan ng Marilao at sa lungsod ng San Jose Del Monte. Matatagpuan ang registration link sa kani-kanilang official social media page.

Para naman sa mga hindi makakapag pre-register, maglalagay ng on-site registration sa mga pagdadausan ng nabanggit na mga jobs fairs. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments