CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Matagumpay na naaresto ng mga tauhan ng 1st Provincial Mobile Force Company (1st PMFC) katuwang ang Guiguinto Municipal Police Station ang isang indibidwal dahil sa Violation of RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) sa isinagawang dragnet operation sa Brgy. Ilang-ilang, Guiguinto Friday ng gabi (Jan. 2).
Ayon sa ulat mula ni Major Norheda G. Usman, Acting Force Commander, 1st PMFC, ang operasyon ay isinagawa ng mga awtoridad ng 1st Platoon SWAT Team.
Habang isinasagawa ang operasyon, pinara ang suspek na kinilalang si alias Bert, 55 anyos, at residente ng Brgy. San Pablo, Lungsod ng Malolos, Bulacan, na sakay ng isang asul na Honda Click motorcycle.
Napansin ng mga operatiba ang nakalantad na hawakan ng isang 1911 caliber .45 pistol at magazine na nakasukbit sa baywang ng suspek. Nang hingan ng kaukulang dokumento para sa naturang baril at bala, nabigo itong makapagpakita ng anumang legal na papeles kaya’t agad siyang inaresto.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang (1) 1911 caliber .45 pistol, dalawang (2) magazine, labing-anim (16) bala ng caliber .45, isang (1) black holster, at isang (1) magazine pouch. Ipinaalam din sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal alinsunod sa itinakdang proseso ng batas.
Sa kasalukuyan, ang suspek ay nasa kustodiya ng 1st PMFC para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng nararapat na kasong kriminal, habang ang minamaneho nitong motorsiklo ay pansamantalang ini-impound. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso. (UnliNews Online)

