CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Matagumpay na naaresto ng Bulacan Police Provincial Office ang Top 1 MWP ng Bulacan sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng mga kasong rape matapos ang isinagawang joint manhunt operation noong Friday (Jan. 2) bandang alas-3:30 ng hapon sa Brgy. Camp One, Rosario, La Union.
Ayon sa ulat ni Lt. Col. Dennis E. Reburiano, Hepe ng Bulacan PIU, ang naarestong akusado ay kinilalang isang 29 taong gulang na lalaki at coordinator ng GRG Trucking Company sa Cabanatuan City, Nueva Ecija, at residente ng Brgy. Perez, Bulakan, Bulacan.
Isinagawa ang operasyon ng Tracker Team ng Bulacan Provincial Intelligence Unit katuwang ang mga tauhan ng Bulakan Municipal Police Station, at sa pakikipag-ugnayan sa Rosario MPS at La Union Police Provincial Office, na nagresulta sa matagumpay na pag-aresto sa akusado.
Ang akusado ay may kinakaharap na mga kaso ng Rape sa ilalim ng Article 266-A(2) kaugnay ng Section 5(B), Article III ng Republic Act No. 7610, na inamyendahan ng Republic Act No. 11648, at Qualified Statutory Rape, na may Criminal Case Nos. 6707-M-2024, 6708-M-2024, at 6709-M-2024.
Ang warrant of arrest ay may petsang Nobyembre 26, 2024 at inisyu ni Hon. veronica a vicente–de guzman, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Third Judicial Region, Branch 9, Malolos City, Bulacan.
Itinakda ang piyansa na P180,000.00 bawat isa para sa dalawang (2) bilang ng rape, habang walang inirekomendang piyansa para sa kasong Qualified Statutory Rape.
Matapos ang pag-aresto, ang akusado ay dinala sa Provincial Intelligence Unit, Bulacan PPO para sa dokumentasyon bago ang pagbabalik ng duly served warrant of arrest sa korte ng pinagmulan para sa kaukulang legal na disposisyon. (UnliNews Online)

