Tuesday, April 14, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsRAKPUBLIKA 2026, ISANG DEKADA NA!

RAKPUBLIKA 2026, ISANG DEKADA NA!

Nina Allan Casipit at Verna Santos

LUNGSOD NG MALOLOS — Isang walang kapantay na rakrakan at tunog na pinatindi mula sa 27 lokal na banda ang inilatag ng Pamahalaang Lungsod sa mga Bulakenyo sa pinakabagong serye ng “Rakpublika 2026” kamakailan na isinagawa sa Malolos Amphitheater.

Ang naturang libreng konsyerto na dinayo at inabangan ng mga mahilig sa “rock music” ay kaakibat ng paggunita sa pagkakatatag ng Unang Republika sa buong Asya at pagpapahalaga sa kasarinlan na tinatamasa nating mga Pilipino.

Espesyal ang pagdaraos ng konsyerto nitong ika-20 at ika-21 ng Pebrero 2026, na may temang “Libre Habambuhay” dahil ito ang ika-isang dekadang isinasagawa ang programa sa Lungsod ng Malolos.

At bilang tanda ng sampung taon na pagdiriwang, hindi lamang isa ang entablado, hindi rin dalawa, kundi tatlong magkakahiwalay na entablado ang itinayo na matatagpuan sa Malolos Amphitheater, Malolos Skate Park, at Regional Evacuation Center sa City Government of Malolos Compound na tinugtugan ng mga lokal at kilalang mga banda tulad na lamang ng The Chongkeys, Chicosci, CHNDTR, FORGETTING69, Kjwan, Greyhoundz, Setsuna, Wilabaliw, at Chillsome mula sa Taiwan.

Ayon sa isa sa mga organizer ng programa na si Jerico “Tata” Buain, ang naturang tugtugan ay hindi lamang isang simpleng rock concert, ito umano ang paraan ng mga taga-Malolos kung paano ipapaalala sa mga kabataan o bagong henerasyon ang importansya ng pagkakatatag ng Unang Republika sa Asya na naganap sa Malolos.

Hindi alintana ng mga tao ang oras dahil ala-5 na nang madaling araw kinabukasan natapos ang konsyerto na 10 taon ng isinasagawa ng Pamahalaang Lungsod.

Naging payapa naman ang seguridad ng dalawang gabing tugtugan sa bunsod ng mga paalala at pangangasiwa City Mayor Atty. Christian D. Natividad at ng Malolos PNP na pinamumunuan ni PLTCOL. Rommel E. Geneblazo.

“Sa bawat sigaw at sayaw, ating inilalahad ang pagtanggap natin sa kalayaang binigay sa atin ng mga nag-alay ng kanilang buhay. Na patuloy nating tinatamasa nang walang buwis at kahit anong kapalit. Ito ang esensya ng Rakpublika, ang maging malaya at ipagdiwang ang ating kalayaan habambuhay.” (UnliNews Online)

(May dagdag na ulat mula sa Malolos Information Office)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News