Wednesday, September 18, 2024
Amana Water Park
HomeNational News1,200 Bulakenyo, sumailalim sa Filipino Brand of Service Excellence Training ng DOT

1,200 Bulakenyo, sumailalim sa Filipino Brand of Service Excellence Training ng DOT

Ni Shane F. Velasco

LUNGSOD NG MALOLOS — Nasa 1,200 mag-aaral at manggagawa sa sektor ng turismo ang isinailalim ng Department of Tourism o DOT, sa pamamagitan ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office o PHACTO, sa serye ng Filipino Brand of Service Excellence Training.

Ayon kay DOT Central Luzon Regional Director Richard Daenos, hindi lamang pagpapalakas ng branding ang layunin ng nasabing pagsasanay, kundi pagpapalakas ng pagka-Pilipino at pagpaparamdam sa mga banyaga at lokal na turista ng ‘Pilipinismo’.

Una sa mga itinuro sa pagsasanay ang pagbati ng ‘Mabuhay’, kalakip ang paghawak ng kanang kamay sa kaliwang dibdib at pagyuko ng bahagya sa ulo.

Ayon kay PHACTO Head Eliseo Dela Cruz, nauna nang naituro sa Bulacan State University o BulSU simula noong taong 2012 ang pagbati ng ‘Mabuhay’, at kinakailangan na lamang ipalaganp sa mas maraming nasa sektor ng turismo ang tamang galaw ng kamay at ulo.

Aniya, ang katutubong pagbati ay nakasalig sa pagpapakilala at pagpaparamdam sa turista ng pitong mahahalagang ugali ng lahi o tinatawag na Seven Filipino Core Values kabilang ang pagiging Maka-Maylikha, Makatao, Makakalikasan, Makabansa, Masayahin, May Bayanihan at May Pag-asa.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Daenos na hindi lamang dapat iparamdam sa mga turista ang pagka-Pilipino, kundi kailangang sumalamin ang mahahalagang pag-uugali sa bawat Pilipino sa kahit saan mang lugar sa bansa.

Kabilang dito ang likas na pagkakaroon ng malasakit, pagiging matulungin, pagkakaroon ng kusang-loob, kababaang loob, at mainit na pagtanggap sa mga bisita.

Bahagi rin ng mahahalagang pag-uugaling Pilipino ang pagmamahal sa kalikasan, pagsasalita ng pambansang wika at mga lokal na diyalekto, at pagpapahalaga sa mga pamanang istraktura, katutubong pagkain at preserbasyon ng mga sinaunang tradisyon.

Tanyag naman sa buong mundo ang pagiging masayahin ng mga Pilipino at ang diwa ng bayanihan o pagkakaisa na sumisimbolo sa katatagan ng kanilang loob kahit na nasa gitna ng pagsubok.

Ayon kay Daenos, magsisilbi ang pagsasanay bilang mainam na pagpaparamdam sa mga turista ng pagkakakilanlan ng isang pagiging Pilipino sa pamamagitan ng mga pangunahing mabubuting ugali.

Samantala, umaabot na sa 12 sesyon ng Filipino Brand of Service Excellence training ang naisasagawa ng DOT na idinaos sa National University sa SM City Baliwag, Amana Waterpark Resort, Klir Waterpark Resort, Pamahalaang Bayan ng San Miguel, Bulacan Private Pools, Richwell College, Bulacan Event Suppliers Association, BulSU-Hagonoy Campus, Pamahalaang Lungsod ng San Jose Del Monte, Pamahalaang Lungsod ng Malolos, Pamahalaang Bayan ng Donya Remedios Trinidad, at Bulacan Polytechnic College. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments