LUNGSOD NG MALOLOS — Pinagkalooban ni Gobernador Daniel R. Fernando ng halos P100 milyong halaga ng proyekto ang kanyang mismong barangay na Tabang, Guiguinto simula 2020.
Ayon sa datos mula sa Provincial Engineer’s Office, noong 2020, nagbigay ang gobernador sa kanilang barangay ng P60,436,206.49 para sa rehabilitasyon at pagsasaayos ng kalsada sa Tabang at Ilang-ilang; P14,863,041.10 para sa konstruksyon ng multipurpose building, daycare at evacuation centers sa Purok 1; P7,956,997.35 para sa suplay at instalasyon ng solar street lights sa kahabaan ng Guiguinto Old Road; at P15 milyon para sa rehabilitasyon at pagsasaayos ng Tabang Road.
Gayundin, P7,369,186.30 ang inilaan para sa konstruksyon ng H.E. Building sa Tabang Elementary School noong 2021.
Dagdag pa rito, naglaan ng badyet para sa pagkakaroon ng road studs na may solar lights at pagsasaayos ng basketball court mula sa pribadong pondo ng gobernador noong 2022 at 2023, ayon sa pagkakasunud-sunod.
Sa pakikipagtulungan sa Damayang Filipino Movement, Inc., nakapaglagay si Fernando ng higit 100 street lights at nakapagsagawa ng mga proyektong pagpapaganda sa kahabaan ng NIA Road sa Brgy. Tabang.
Bukod pa rito, sa pamamagitan ng tulong at koordinasyon ng nagdaang presidente ng The Most Worshipful Grand Lodge of Mason of the Philippines Inh. Jun Gatchalian at kanyang grupo, nakapagsagawa si Fernando ng pagsasaayos at pag-aaspalto ng iba pang kalsada sa nasabing barangay.
Nilinaw ni Fernando na ang paglalaan ng proyekto ay batay sa pangangailangan ng barangay at hindi dahil sa ito’y paborito.
“Pantay po ang pagtingin natin sa lahat ng mga barangay sa ating lalawigan. Lahat ng idinudulog sa atin na mga proyekto ay sinisikap nating tugunan. Bawat programang ating isinasagawa ay para sa ikagiginhawa ng buhay ng ating mga kalalawigang Bulakenyo,” anang gobernador.
Pinasalamatan rin ng gobernador ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pagtugon sa kahilingan ng Brgy. Tabang patungkol sa drainage system nito na kasalukuyang isinasaayos, at nanawagan sa departamento na pabilisan ang mga isinasagawang proyekto sa lalawigan, lalo na sa kahabaan ng McArthur Highway. (UnliNews Online)