CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Labing-tatlong katao na sangkot sa iligal na droga ang naaresto ng mga operatiba ng Bulacan Police Provincial Office matapos ang serye ng magkakahiwalay na anti-drug operations na isinagawa noong Martes (Abril 21), kung saan nasamsam ang 30 sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang higit P144,840.00, kasama ang ginamit na buy-bust money.
Batay sa report ni P/Lt. Col. Eric C. Cister, Officer-in-Charge, Pulilan MPS, tatlong drug suspect ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation laban sa iligal na droga sa Brgy. Tibag, Pulilan dakong alas-3 ng hapon. Nakumpiska mula sa mga suspek ang anim na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P42,160.00, at buy-bust money.
Samantala, ayon sa ulat ng mga hepe ng Malolos, Hagonoy, San Ildefonso, Pandi, San Jose del Monte, Baliwag, Plaridel Police Station, 10 pa na indibidwal ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon laban sa ilegal na droga na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 24 na sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang halagang P102,680.00 at buy bust money.
Ang lahat ng mga naarestong suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa pahayag ni P/Col. Jay B. Baybayan, Officer-in-Charge, Bulacan PPO, kanyang binigyang-diin na ang walang-sawang kampanya laban sa ilegal na droga ay upang mapigilan ang pagkalat ng ipinagbabawal na gamot at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon. (UnliNews Online)

