LUNGSOD NG MALOLOS — Sa hangaring maitaguyod ang disiplina, kaayusan, at kaligtasan sa mga kalsada, opisyal na inilunsad nitong Abril 21-22, 2026 ang pinaigting na Barangay Road Clearing Operations sa naturang lungsod alinsunod sa Department of the Interior and Local Government Memorandum Circular No. 2024-053.
Pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos, katuwang ang City of Malolos Traffic Management Division, Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection Malolos (BFP), City Environment and Natural Resources Office (CENRO), City Engineering Office (CEO), City Information Office (CIO), at Department of the Interior and Local Government (DILG), kasama ang mga opisyal at kawani ng mga barangay ng Sto. Cristo, Atlag, Bagna, Panasahan, Matimbo, at Mambog.
Tinututukan ng operasyon ang pag-aalis ng mga ilegal na istruktura, hindi awtorisadong terminal at paradahan, gayundin ang mga nakahambalang na konstruksyon, barangay outpost, basura, at iba pang uri ng okupasyon sa pampublikong daanan na nagdudulot ng abala at panganib sa mga motorista at pedestrian.

Bukod dito, mahigpit ding ipinatupad ang mga umiiral na batas at ordinansa, kung saan ang mga sasakyang ilegal na nakaparada ay binigyan ng kaukulang citation ticket, habang ang mga tindero at indibidwal na lumabag sa itinakdang sukat at paggamit ng pampublikong espasyo ay binigyan ng babala, samantalang ang iba ay kinumpiska ang kanilang mga gamit alinsunod sa umiiral na regulasyon.
Sa pagpapatupad ng inisyatibang ito, isinusulong ang mas maayos at maluwag na daloy ng trapiko, mas ligtas na paglalakad sa mga lansangan, at ang disiplina sa kalsada na hindi lamang tungkulin ng pamahalaan, kundi pananagutan na ginagawa para sa kapakanan at ikabubuti ng buong komunidad.
Sa huli, ang inisyatibang ito ay isang panawagan sa sama-samang disiplina at malasakit, tungo sa mas maayos, ligtas, at responsableng paggamit ng kalsada para sa kapakanan ng bawat Maloleño. (UnliNews Online)
Source: Malolos CIO

