CAMP GEN. ALEJO SANTOS, Bulacan — Isang most wanted person (Municipal Level Rank 1) ang naaresto ng kapulisan sa isinagawang warrant operation noong Wednesday ng hapon bandang alas-4:40 sa Barangay Santol, Balagtas, Bulacan.
Ayon sa ulat ni P/Maj. Anthony L. San Pedro, Hepe ng Balagtas Municipal Police Station (MPS), ang akusado na kinilalang si alias “Gelo,” 26 taong gulang at residente ng Brgy. Santol, Balagtas, Bulacan, ay inaresto ng Balagtas Tracker Team katuwang ang mga tauhan ng 301st MC-RMFB3 sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Rape sa ilalim ng Criminal Case No. 2133-M-2018.
Ang nasabing warrant ay inilabas noong Enero 7, 2019 ni Hon. Flerida P. Zaballa-Banzuella, Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 17, Malolos City, Bulacan, na walang inirekomendang piyansa.
Ang naarestong akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Balagtas MPS Custodial Facility sa Brgy. Borol 1st, Balagtas, Bulacan habang inihahanda ang kaukulang dokumentasyon para sa pagbabalik ng kaso sa hukuman na naglabas ng warrant.
Muling pinaalala ni P/Col. Jay B. Baybayan, Officer-In-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, na patuloy na pinaigting ng Bulacan PPO ang operasyon laban sa mga wanted na indibidwal upang mapanagot sa batas ang mga may kinahaharap na kaso at mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa buong lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

