CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Naaresto ng mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng San Jose Del Monte City Police Station (CPS) ang isang high value individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation bandang alas-2:45 ng madaling araw noong Sabado (Mayo 16) sa Brgy. Gaya-Gaya, City of San Jose Del Monte (CSJDM).
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Reyson M. Bagain, Chief of Police ng SJDM CPS, kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Ton-ton,” 34 taong gulang at residente ng Tondo, Manila. Naaresto ang suspek matapos magbenta ng hinihinalang shabu sa poseur buyer sa isinagawang anti-illegal drug operation ng intel operatives ng SJDM CPS.
Nakumpiska mula sa suspek ang 1 sachet ng hinihinalang shabu na nabenta sa poseur buyer, walong karagdagang sachet ng hinihinalang shabu, at buy-bust money. Tinatayang may kabuuang timbang na humigit-kumulang 55 gramo ang mga nakumpiskang hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php 375,000.
Isinagawa ang pagmamarka at inventory ng mga nakumpiskang ebidensya alinsunod sa Section 21 ng R.A. 9165 bago dinala ang naarestong suspek at mga ebidensya sa SJDM CPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. (UnliNews Online)

