CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang isang lalaki matapos maaktuhan sa pagbebenta ng iligal na baril sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Calumpit Municipal Police Station (MPS) noong Biyernes (Hunyo5) sa Brgy. Iba O’ Este.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Leopoldo L. Estorque Jr., Chief of Police ng Calumpit MPS, kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Eplok,” at residente ng Brgy. Iba O’ Este, Calumpit, Bulacan.
Ang naturang operasyon ay isinagawa bandang alas-2:30 ng madaling araw ng mga intelligence operative’s ng Calumpit MPS matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang mapagkakatiwalaang confidential informant na sangkot umano ang suspek sa pagbebenta ng mga loose firearm sa kanilang lugar.
Sa isinagawang buy-bust, naibenta ng suspek sa undercover na awtoridad ang isang pirasong caliber .38 revolver na walang trademark at serial number, kasama ang 3 pirasong live ammunition, kapalit ng isang P1,000 bill at apat na pirasong boodle money na ginamit bilang buy-bust money.
Agad na inaresto ang suspek matapos ang transaksyon. Isinagawa rin ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng suspek at isang halal na opisyal ng barangay alinsunod sa umiiral na mga alituntunin.
Ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Calumpit MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Provincial Prosecutor’s Office sa Lungsod ng Malolos, Bulacan. (UnliNews Online)

