LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Kasabay ng pagbubukas ng klase ngayong araw ng Lunes (June 8), personal na binisita ni P/Col. Jay B. Baybayan, Provincial Director ng Bulacan PPO, kasama si P/Lt. Col. Rommel E. Geneblazo, Chief of Police ng Malolos CPS, ang City of Malolos Integrated School (CMIS) sa Barangay Sto. Rosario upang inspeksyunin at tiyakin ang kaayusan at seguridad ng mga mag-aaral na nagbabalik-eskwela.
Layunin ng isinagawang inspeksyon na siguraduhing maayos ang pagpapatupad ng security measures sa loob at paligid ng paaralan, kabilang ang police visibility, traffic management, at pag-iwas sa anumang banta sa kaligtasan ng mga estudyante, guro, at magulang.

Ipinakalat din sa iba’t ibang malalaking paaralan sa lungsod ang mga tauhan ng Malolos CPS at miyembro ng United Malolos Force Multiplier (UMFM) sa pangunguna ni Mr. Feliciano Mercado, Pangulo, para sa tiyak na kaligtasan ng bawat estudyante ngayong pasukan.
Ang aktibidad na ito ay bahagi ng “Oplan Balik-Eskwela 2026” ng PNP na naglalayong pigilan ang krimen at tiyakin ang kaayusan sa mga paaralan sa buong probinsya. (UnliNews Online)

