CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Kaalinsabay sa paggunita ng Araw ng Kalayaan, dalawang dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang boluntaryong sumuko sa mga operatiba ng Bulacan 2nd Provincial Mobile Force Company at kusang-loob na isinurender ang kanilang mga baril noong Biyernes (Hunyo 12) sa Brgy. Sampaloc, San Rafael, Bulacan.
Batay sa ulat, unang sumuko dakong alas-4:10 ng hapon ang isang dating kasapi ng NAAC at KADAMAY na naging miyembro ng grupo mula 2017 hanggang 2021. Sa kanyang pagsuko, isinuko rin niya ang 1 improvised shotgun na walang make at serial number.
Samantala, dakong alas-4:50 ng hapon ng parehong araw, isa pang dating miyembro ng NAAC at KADAMAY na naging bahagi ng organisasyon mula 2015 hanggang 2021 ang boluntaryong sumuko sa mga tauhan ng 2nd Maneuver Platoon, 2nd PMFC. Kasabay nito, isinuko niya ang 1kalibre .38 na baril na walang make at serial number.
Ang dalawang surrenderee ay nasa constructive custody ng 2nd PMFC para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasagawa ng Custodial Debriefing Report (CDR).
Ayon kay P/Col. Jay B. Baybayan, Bulacan Provincial Director, ang boluntaryong pagsuko ng mga dating miyembro ng CTG ay patunay na patuloy na nagbubunga ang mga programang pangkapayapaan at reintegration ng pamahalaan. Hinikayat din niya ang iba pang nalalabing miyembro ng mga armadong grupo na magbalik-loob sa pamahalaan at mamuhay nang mapayapa kasama ang kanilang pamilya. (UnliNews Online)

