CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang isang lalaking hinihinalang sangkot sa robbery matapos mahuli at makumpiskahan pa ng isang improvised firearm o “paltik” noong Sabado (Hunyo 13) sa Brgy. Parada, Santa Maria, Bulacan.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Mark Louie M. Sigua, Hepe ng Santa Maria Municipal Police Station (MPS), kinilala ang naarestong suspek na isang 22 taong gulang at residente ng Brgy. Tabing Ilog, Marilao, Bulacan.
Ayon sa paunang imbestigasyon, agad na rumesponde ang mga operatiba ng Santa Maria MPS sa ulat hinggil sa isang lalaki na umano’y pumasok sa loob ng isang residential compound sa Brgy. Parada, Santa Maria, Bulacan. Sa isinagawang beripikasyon, naaresto ang suspek at dinala sa himpilan para sa karagdagang imbestigasyon.
Sa isinagawang inspeksyon ng mga pulis, nakumpiska mula sa suspek ang isang improvised firearm o “paltik” na may lamang 1 live ammunition ng caliber 9mm. Narekober din ang mga wallet na naglalaman ng humigit-kumulang P3,000.00 cash, mga ATM cards, identification cards, at isang cellular phone na pag-aari ng mga biktima.
Matapos ang pag-aresto, dinala ng mga tauhan ng Santa Maria MPS ang suspek sa himpilan para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Ipinaalam din sa kanya ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine. Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong Robbery at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa suspek sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos City. (UnliNews Online)

