CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng San Ildefonso MPS ang isang most wanted person sa isinagawang warrant operation bandang alas-11:30 ng umaga noong Linggo (Hunyo 14) sa Brgy. Poblacion, San Ildefonso, Bulacan.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Gilmore A. Wasin, Chief of Police ng San Ildefonso Municipal Police Station (MPS), kinilala ang naarestong akusado na si alias “Sam,” 28 taong gulang, at residente ng Purok Niyayos 2, Brgy. Poblacion, Calintaan, Occidental Mindoro.
Ang akusado ay inaresto ng Tracker Team ng San Ildefonso MPS sa pakikipag-ugnayan sa Calintaan Municipal Police Station ng Occidental Mindoro Police Provincial Office sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Sexual Assault sa ilalim ng Article 266-A, Paragraph (2) ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng RA 11648, kaugnay ng Article 266-B ng Revised Penal Code.
Ang nasabing warrant ay inilabas noong Abril 6, 2026 ng Regional Trial Court, Branch 45, Fourth Judicial Region, San Jose, Occidental Mindoro na may inirekomendang piyansang nagkakahalaga ng P200,000.00.
Matapos maaresto, ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatang naaayon sa Saligang Batas. Tiniyak din ng San Ildefonso MPS ang pagsunod sa Supreme Court En Banc Resolution No. 21-06-08-SC hinggil sa paggamit ng body-worn cameras bilang bahagi ng mga rekisito sa pagbabalik ng warrant sa naglabas na hukuman.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng San Ildefonso MPS ang akusado para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon bago iharap sa hukuman na naglabas ng warrant. (UnliNews Online)

