CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Tatlong suspek na pawang sangkot sa iligal na droga ang nasakote ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit ng Pandi police sa isang buy-bust operation sa Brgy. Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan, dakong alas-3 ng madaling-araw noong Biyernes (Agosto 21).
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Nelson M. Sardin, Hepe ng Pandi MPS, isinagawa ng mga operatiba ng SDEU sa nasabing lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek at pagkakasamsam ng 11 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Ang mga nasamsam na iligal na droga ay may tinatayang kabuuang timbang na 2.3 gramo at nagkakahalaga ng humigit-kumulang P15,640.00. Narekober din ang buy-bust money, isang improvised firearm o pen gun, at 4 na piraso ng 9mm caliber reload ammunition.
Ang mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Pandi MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Ang mga nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga ay isusumite sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa laboratory examination at drug testing.
Ang mga suspek ay haharap sa kaukulang kaso dahil sa paglabag sa Sections 5, 11 at 26 ng Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (UnliNews Online)

