Monday, August 24, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsFernando, binisita ang mga barangay na naapektuhan ng baha, naghatid ng tulong...

Fernando, binisita ang mga barangay na naapektuhan ng baha, naghatid ng tulong sa mga Bulakenyo

LUNGSOD NG MALOLOS — Sa gitna ng patuloy na mga hamon dulot ng matinding pag-ulan dala ng hanging habagat at mga bagyong Luis, Maymay, at Neneng, personal na binisita ni Gob. Daniel R. Fernando ang mga komunidad na naapektuhan sa lalawigan kamakailan.

Nais ng gobernador na alamin personal ang sitwasyon ng mga kababayan at personal na ihatid ang tulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at pamahalaang nasyunal sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Higit sa simpleng pangangasiwa ng pamamahagi ng relief goods, nagtungo si Fernando sa mga barangay na tinamaan ng pagbaha dulot ng pinagsamang epekto ng hanging habagat, at mga bagyo, upang makita ang kondisyon ng mga Bulakenyo, makipag-usap sa mga pamilya, at tukuyin ang mga agaran nilang pangangailangan.

ā€œNarito po kami upang kayo ay tingnan, kumustahin, at makita kung ano ang nangyari,ā€ anang gobernador kasabay ng personal niyang pamamahagi ng relief goods sa mga residente ng Bocaue, Bulacan kahapon.

Noong Agosto 21, nakapagbigay na ang Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office ng relief assistance sa humigit-kumulang 50,000 pamilya sa mga pinaka-apektadong lugar sa Santa Maria, Guiguinto, Balagtas, Bocaue, Calumpit, Hagonoy, Paombong, Norzagaray, Pandi, at Angat.

Samantala, ayon sa situational report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), siyam sa 24 na lungsod at bayan sa lalawigan ang nakapagtala ng pagbaha na may tinatayang isa hanggang tatlong talampakang lalim ng tubig.

Dagdag pa rito, 1,761 pamilya o 6,442 indibidwal ang nananatiling sumisilong sa 71 evacuation centers sa buong lalawigan.

Naitala rin ng PDRRMO ang kabuuang P130,620,756.50 pagkawasak sa agrikultura at pangisdaan; P4,459,750 tinatayang kawalan sa livestock at poultry; at P180 milyong tinatayang pagkasira sa imprastraktura.

Gayundin, nangako ang gobernador na patuloy na mananawagan sa pamahalaang nasyunal upang bigyang pansin at makapaglatag ng pangmatagalang solusyon sa matagal nang problema ng lalawigan sa pagbaha.

ā€œManalangin po tayo na mapabilis ang feasibility study na atin pong nakikita na pangmatagalang solusyon sa problemang kinakaharap ng ating lalawigan sa pagbaha,ā€ anang gobernador. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News