BALIWAG CITY, Bulacan — Makaraan ng tatlong taon na pagkakahinto dulot ng pandemya, muling ibinalik upang ipagdiwang ng mga Baliwagenyo ang Buntal Hat Festival mula Mayo 31 hanggang Hunyo 4.
Ayon kay Mayor Ferdie Estrella, ito naman ang unang pagdiriwang ng naturang festival ngayong isa nang ganap na lungsod ang Baliwag na may temang “Ipagdiwang, Ating Mayabong na Kalinangan sa Lungsod ng Baliwag.”
Taong 2004 nang pasimulan ang Buntal Hat Festival sa layunin na panatilihing buhay ang paglalala ng Buntal at ganap na mapalago bilang isang industriya.
Kasalukuyang itinuturo na sa Grade 3 na mga mag-aaral sa Baliwag ang paglalala ng sambalilong Buntal.
Target naman ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag na maituro na ito sa lahat ng antas hanggang sa Grade 12 simula sa taong 2024.
Isinusulong din ang malawakang pagtatanim ng halamang Buli na pinagkukuhanan ng hilaw na materyales sa paggawa ng Buntal sa halip na angkatin pa sa Quezon. (UnliNews Online)
Source: PIA Bulacan