Monday, July 13, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsUnang testing facility para sa paputok, pailaw sa Pilipinas itatayo sa Bulacan

Unang testing facility para sa paputok, pailaw sa Pilipinas itatayo sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Matutuloy na ang pagpapatayo ng isang testing facility para sa mga paputok at pailaw na magiging kauna-unahan sa Pilipinas.

Plano itong ilagak sa isang maluwag na bahagi ng Malolos main campus 2 ng Bulacan State University (BulSU).

Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Provincial Science and Technology Director Angelita Parungao, may inisyal na P27 milyon ang halaga ng proyekto kung saan may bahagi nito ang popondohan ahensiya partikular ang mga kasangkapan.

Nakapasok ang pondo nito sa alokasyon para sa DOST sa 2027 National Expenditure Program.

Bahagi ito ng inaprubahang 2023-2028 Central Luzon Investment Plan, Public Investment Program at ng Three-Year Rolling Infrastructure Program o TRIP.

Aprubado na rin ito ng ng mga ahensiya ng pamahalaan at mga gumagawa ng mga paputok at pailaw na bumubuo sa Pyrotechnics Regulatory Board ng Bulacan.

Sa presentasyon ng mga detalye ng proyekto sa harap ng Pyrotechnics Regulatory Board ng Bulacan, ipinaliwanag ni Parungao na umabot ng 27 taon o mula pa noong 1999 mula nang unang ipinanukala at kinosepto ang pagkakaroon nitong testing facility.

Maisasakatuparan na aniya ito bilang isang flagship innovation project ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Anim na pangunahing areas ang matatagpuan sa loob ng itatayong Bulacan Spark Lab.

Kabilang na riyan ang sample, receiving and preparation; chemical analysis; physical and mechanical testing; thermal and combustion testing; performance testing control room; at ang safe room na magsisilbing chemical storage.

Sa labas nito, mayroong malaking espasyo para sa outdoor performance testing area.

Binigyang diin naman ni Department of Trade and Industry (DTI) Provincial Director Coco Chanel Garcia-Yap na ang lundo ng pagsailalim sa pagsusuri at testing ng mga paputok at pailaw ay ang pagkakatamo ng certification ng mga produkto sa Philippine National Standard ng ahensiya.

Base sa inilatag na certification framework, dadaan sa masusing pagsusuri at regulasyon ang bawat produkto na magsisimula sa prosesong itinakda ng pamahalaang lokal. Susundan ito ng pagsusuri ng Pyrotechnics Regulatory Board at saka ieendorso sa Bulacan Spark Lab ng DOST upang doon malaman kung papasa na makakuha ng certification sa Philippine National Standard mula sa Bureau of Philippine Standards ng DTI.

Bukas din ang DOST na mailagay o maitayo sa ibang lokasyon ang Bulacan Spark Lab sakaling kailanganin na maipwesto ito sa isang lugar na may malawak na espasyo.

Kaugnay nito, ipinahayag naman ni Gobernador Daniel Fernando na makasaysayan ang proyektong Bulacan Spark Lab dahil ganap na maiaangat nito ang kalidad ng mga produkto na hindi lamang muling magpapalakas sa industriya, kundi magtitiyak ng kaligtasan ng mga gumagawa, nagtitinda at mga mamimili nito.

Kinakailangan aniya na ang magiging operasyon ng laboratoryo ay naaayon sa Republic Act 7183 o ang regulasyon tungkol sa paggawa, pag-iimbak, pagtitinda, pangangalakal at paggamit ng paputok at pailaw.

Samantala, ibinahagi naman ni Provincial Cooperative and Enterprise Development Office Investment Promotion Unit Officer-In-Charge Mary Grace Evangelista-Dela Cruz pasapit na sa 160 taon ang tagal na ng industriya ng paputok at pailaw sa Bulacan.

Taong 1867 nang ipakilala ng mga prayleng Kastila sa bayan ng Santa Maria ang paggamit ng mga paputok at pailaw.

Lumawak ang mga gawaan at bentahan hanggang sa bayan ng Bocaue na ngayo’y pangunahing trading center nito. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News