CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Isa na namang tulak ng iligal na droga na kabilang sa PNP-PDEA Unified Drug Watch List ang naaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit ng San Ildefonso Municipal Police Station matapos ang matagumpay na buy-bust operation sa Brgy. Poblacion, San Ildefonso, Bulacan, noong Lunes ng gabi (July 13).
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Gilmore A. Wasin, Hepe ng San Ildefonso MPS, kinilala ang naarestong suspek na isang 25 taong gulang na lalaki, at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. San Juan, San Ildefonso, Bulacan.
Nahuli ang suspek matapos nitong bentahan ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang isang police poseur-buyer kapalit ng marked money. Sa isinagawang search, nakumpiska mula sa suspek ang tatlo pang sachet ng hinihinalang shabu, isang improvised na baril, isang bala ng kalibre 9mm, at ang ginamit na buy-bust money. Umabot sa humigit-kumulang 5.0 gramo ang kabuuang timbang ng mga nakumpiskang ilegal na droga na may tinatayang halaga na P34,000.00.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. Ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa San Ildefonso MPS para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng mga kaso.
Samantala, pinuri ni P/Col. Jay B. Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, ang matagumpay na operasyon ng mga operatiba at muling iginiit ang walang humpay na kampanya ng Bulacan PPO laban sa ilegal na droga at kriminalidad. (UnliNews Online)

