CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Nasakote ng mga operatiba ng Hagonoy Municipal Police Station (MPS) ang Top 1 Municipal Most Wanted Person ng Hagonoy sa isinagawang manhunt operation noong Miyerkules (July 15) ng hapon bandang alas-3:50 ng hapon sa Brgy. Pangclara, Candaba, Pampanga.
Batay sa ulat na isinumite ni P/Lt. Col. Leonard Lim, Police chief ng Hagonoy, kinilala ang naarestong akusado na isang 39 taong gulang na lalaki, residente ng Brgy. Palapat, Hagonoy, Bulacan. Siya ay nadakip sa bisa ng Warrant of Arrest para sa apat (4) na bilang ng Statutory Rape at Lascivious Conduct sa ilalim ng Republic Act No. 7610.
Ang warrant ay inilabas ni Hon. Olivia V. Escubio-Samar, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 79, Malolos City, Bulacan, at walang inirekomendang piyansa.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatang naaayon sa batas at siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Hagonoy MPS para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.
Ayon kay P/Col. Jay b. Baybayan, acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office (Bul PPO), patuloy na paiigtingin ng Bulacan PPO ang kampanya laban sa mga wanted person upang mapanagot ang mga lumalabag sa batas at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

