PANDI, Bulacan — Pormal ng ibinukas para sa mga kabataang mag aaral sa kolehiyo ang Polytechnic University of The Philippines (PUP) – Pandi na pinangunahan ni Mayor Rico Roque ang unveiling activity ng marker ng PUP-Pandi sa isinagawang pagpapasinaya ng nasabing campus noong Setyembre 7, 2026 sa Barangay Mapulang Lupa sa nabanggit na bayan.
Buong siglang inihayag ni Mayor Rico na “Isang pangarap lang po ito noon. Pangarap na balang araw, magkaroon ang Pandi ng sariling pampublikong unibersidad kung saan mas maraming kabataang Pandieño ang mabibigyan ng pagkakataong makapag-aral, makapagtapos, at maabot ang kanilang mga pangarap”.
Aniya, “Ngayon, masasabi nating naging realidad na ang pangarap na iyon. Isang makasaysayang araw para sa ating bayan dahil opisyal na nating binuksan ang PUP–Pandi, ang kauna-unahang unibersidad sa ating bayan at kauna-unahang PUP Open University System sa buong Pilipinas.”
Sinabi din ng alkalde na hindi naging madali ang paglalakbay tungo rito. Maraming proseso, pagsubok, at pagtutulungan ang pinagdaanan bago naisakatuparan ang nasabing unibersidad.
Pinasalamatan ni Mayor Rico Roque ang pamunuan ng PUP, mga katuwang sa Team Puso at Talino, mga kawani ng pamahalaan, at sa bawat Pandieño na naniniwala sa pangarap na ito.
Ang binuksan natin ngayon ay hindi lamang isang campus. Binuksan natin ang mas maraming oportunidad para sa ating mga kabataan. Isang pintuan tungo sa edukasyon, pag-unlad, at mas magandang kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon saad ni Mayor Rico Roque.
Ito ang simula ng panibagong kabanata para sa Bayan ng Pandi. Ang dating pangarap ay isa nang realidad, at magiging bahagi ng pamana na maipagmamalaki ng bawat Pandieño.
Sa kasalukuyang ay nasa mahigit 200 ng estudyante ang nakatala sa naturang campus sa kursong BS Tourism Management, BS Business Admin major in Marketing Management at maaari pang madagdagan oras na matapos na ang iba pang mga classroom.
Lubos naman ang pasasalamat ng bilang ng mga batang nakapag enrol na at maging ang kanilang mga magulang dahil malaking tulong at kaginhawahan ito sa kanila hindi na kailangan lumayo pa para sa edukasyong pinapangarap na ngayon ay abot kamay na! (UnliNews Online)

