CITY OF SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan — Nasakote ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang babae matapos na masamsam ang tinatayang P75 milyong halaga ng unregistered cosmetic products at beauty creams sa isinagawang law enforcement operation sa Barangay Tungkong Mangga sa masabing lungsod kamakailan.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-3:50 ng hapon noong Monday (Sept. 7) ng CIDG Bulacan Provincial Field Unit, katuwang ang mga kinatawan ng Food and Drug Administration (FDA) at San Jose del Monte City Police Station. Nasamsam sa operasyon ang 78 kahon ng cosmetic products at beauty creams na umano’y hindi rehistrado sa FDA.
Base sa ulat na isinumite kay CIDG Director PMGEN Robert AA Morico II, nahuli ang suspek habang nasa kanyang pag-iingat at kontrol ang mga produkto na iniimbak at ibinebenta umano nang walang kinakailangang awtorisasyon.
Kinasuhan ang suspek kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 3720 o Food, Drug, and Cosmetic Act, na inamyendahan ng Republic Act No. 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009.
Sa ilalim ng batas, ipinagbabawal ang paggawa, pag-import, pagbebenta, pag-aalok para ibenta, pamamahagi at paglilipat ng mga health at consumer products na walang kinakailangang pahintulot o regulatory authorization mula sa kinauukulang ahensya.
Binigyang-diin ng CIDG na may panganib sa kalusugan ang paggamit ng mga hindi rehistradong cosmetic products dahil hindi dumaraan ang mga ito sa kinakailangang regulatory checks para sa kaligtasan, kalidad at mga sangkap na taglay ng produkto.
Pinuri naman ni P/Col. Grant A Gollod, Regional Chief ng CIDG Regional Field Unit 3, at ang CIDG Bulacan Provincial Field Unit sa pamumuno ni P/Maj. Domingo A. Resma Jr. sa operasyon laban sa iligal na kalakalan ng mga substandard at unregistered cosmetic products.
Nanawagan ang CIDG at FDA sa publiko na maging mapanuri sa pagbili ng cosmetics at beauty products at palaging tiyaking rehistrado o notified sa FDA ang isang produkto bago ito bilhin o gamitin. (UnliNews Online)

