CITY OF MALOLOS, Bulacan — Pormal nang ipinasa ni outgoing Chief of Police P/Lt. Col. Rommel E. Geneblazo ang pamumuno sa Malolos City Police Station kay P/Lt. Col. Jordan G. Santiago bilang acting chief of police.
Pinangunahan ni P/Col. Jay B. Baybayan, acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office kasama si Mayor Christian D. Natividad, ang Turn-Over of Office Ceremony na ginanap ngayong Hulyo 31, 2026.
Ang pagpapalit ng pamunuan ay sumasalamin sa patuloy na pagpapatibay ng pamumuno sa loob ng Philippine National Police at sa pagpapanatili ng mataas na antas ng serbisyo para sa kapakanan ng mamamayan.
Layunin din nitong matiyak ang tuluy-tuloy na pagpapatupad ng mga programa at operasyon tungo sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Col. Baybayan si Lt. Col. Geneblazo sa kanyang mahusay at tapat na paglilingkod bilang Chief of Police ng Malolos CPS.
Kasabay nito, binati niya si Lt. Col. Santiago sa kanyang bagong tungkulin at hinikayat itong ipagpatuloy ang mga inisyatibang magpapalakas sa seguridad, kaayusan, at ugnayan ng kapulisan at ng komunidad sa Lungsod ng Malolos. (UnliNews Online)

