CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Naaresto ng mga operatiba ang 8 indibidwal na sangkot sa pamamaril na ikinamatay ng isang lalaki sa Brgy. Tigbe, Norzagaray, Bulacan, noong Huwebes (Setyembre 10).
Batay sa ulat, dakong alas-4:15 ng madaling-araw noong nasabing araw, isang insidente ng pamamaril ang naganap sa Jose Pantaleon St., Sitio Gulod, Brgy. Tigbe, Norzagaray, kung saan natagpuang sugatan ang 47 taong gulang na biktima na kalaunan ay idineklarang dead on arrival sa Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte.
Agad na nagsagawa ng beripikasyon at crime scene processing ang mga tauhan ng Norzagaray MPS, katuwang ang Bulacan Forensic Unit, habang isinagawa ang follow-up operation upang matukoy at maaresto ang mga responsable.
Sa pangunguna ni P/Maj. Demosthenes G. Desiderio Jr., OIC ng Norzagaray MPS, nagsagawa ang mga tauhan ng Norzagaray MPS, katuwang ang Sta. Maria MPS, Bulacan Provincial Intelligence Unit, Angat MPS, San Jose del Monte CPS, Meycauayan MPS at Bulacan 2nd PMFC, ng joint hot pursuit operation dakong alas-11:50 ng gabi sa Sitio Tibagan, Brgy. Caypombo, Sta. Maria, na nagresulta sa pagkakaaresto kina alyas Aldrin, alyas Efren, alyas Jaymark.
Nakumpiska sa operasyon ang isang caliber .45 pistol, isang magazine at apat na bala, isang sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 17.2 gramo ng hinihinalang shabu, at isang motorsiklo, bukod sa iba pang ebidensya.
Bukod dito, naaresto rin sina alyas Lord, alyas Rene, at ayas Crisel dahil sa umano’y pagtatangkang itago ang mga suspek at iligaw ang mga operatiba, na itinuturing na obstruction of justice.
Samantala, nagpatuloy ang hot pursuit operation matapos makuha ang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng dalawa pang suspek, na nagresulta naman sa pagkakaaresto kina alyas Jeron at alyas Alvin dakong alas-2:05 ng madaling-araw noong Setyembre 11, 2026 sa Sitio Gitna, Brgy. Balasing, Sta. Maria, Bulacan. Nakumpiska sa kanila ang isang caliber .38 revolver, mga bala, at ilang sachet ng hinihinalang shabu.
Inihahanda na ang mga kaukulang kaso para sa Murder at paglabag sa RA 9165 laban kina Aldrin Donato y Garcia, Efren Magtubo y Alvarez, Alvin Enriquez y Francisco, at Jeron Magtibay y Valisa. Samantala, inihahanda rin ang kaso sa paglabag sa RA 10591 laban kina Aldrin at Jeron, paglabag sa RA 9165 laban kay Jaymark, at paglabag sa PD 1829 o Obstruction of Justice laban kina Lord Garcia, Reneboy Bernardo, at Crisel Severin. (UnliNews Online)

