PANDI, Bulacan — Pinaigting ng Pamahalaang Bayan ng Pandi ang kampanya para sa isang ligtas, disiplinado at drug-free na workplace sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Drug-Free Workplace and Policy Orientation para sa mga halal na opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan.
Layunin ng orientation na palalimin ang kaalaman ng mga Pandi elected officials at LGU employees hinggil sa mga umiiral na polisiya, kanilang mga responsibilidad, at mga wastong hakbang upang mapanatili ang isang ligtas at drug-free na lugar ng trabaho.
Binigyang-diin din ang mahalagang papel ng mga lingkod-bayan bilang mga huwaran sa pagsunod sa mga patakaran at pagsusulong ng disiplina, kaligtasan at responsableng paglilingkod.
Ayon kay Mayor Enrico Roque, ang pagpapanatili ng isang drug-free workplace ay mahalagang bahagi ng pagtiyak na maayos, episyente at mapagkakatiwalaan ang serbisyong ipinagkakaloob sa mga mamamayan.
Tinalakay rin sa orientation ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinaw na mga alituntunin, wastong pag-uulat at maagap na pagtugon sa anumang insidente o usaping may kaugnayan sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa lugar ng trabaho.
”Sa pamamagitan nito, inaasahang mas mapapalakas ang kamalayan ng bawat kawani at mahihikayat silang makiisa sa mga programa para sa kalusugan, kaligtasan at kapakanan ng buong organisasyon,” dagdag pa ng alkalde.
Patuloy namang hinihikayat ng Pandi LGU ang mga opisyal at kawani na maging katuwang sa pagpapatupad ng mga hakbang para sa isang ligtas, responsable at drug-free na Pamahalaang Bayan ng Pandi. (UnliNews Online)

