LUNGSOD NG MALOLOS — Bumida ang pagdiriwang ng pag-ibig, karangalan, paglilingkod, at pagkakaisa sa unang Gawad Gintong Bahaghari Awards bilang bahagi ng SingLOVEban – Singkaban Love for LGBT: Barong at Saya Gala Night 2026, na isinagawa ng Bulacan LGBT Federation katuwang ang Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office noong Setyembre 10 sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito.
Layunin ng kauna-unahang Gawad Gintong Bahaghari Awards na kilalanin ang mga natatanging organisasyon at tagapagtaguyod na may makabuluhang ambag sa LGBTQIA+ community kung saan nagwagi sa Outstanding LGBT Leader Award ang LGBTQIA+ Republica ng Malolos, habang ginawaran naman ng Community Service Excellence Award ang LGBTQIA+ Hagonoy Inc. bilang pagkilala sa kanilang patuloy na paglilingkod sa komunidad.
Ipinagkaloob din ang iba pang mahahalagang parangal, kabilang ang Most Patronized Organization Award sa Hagonoy LGBTQIA+ Inc.; Youth Empowerment Award at Health and Wellness Advocacy Award sa LGBTQIA+ Republica Inc.; Cultural Pride Award sa LGBT SIkLaB Inc.; Media and Communication Award sa LGBT Calumpit – Municipal Information Office; Lifetime Achievement Award sa Creative Guild of Marilao; Innovative Advocacy Award sa LGBTQIA+ Republica; at Ally of the Year Award kay 2nd District Representative Augustina Dominique “Ditse Tina” Pancho.
Ginawaran ang mga nagwagi sa iba’t ibang kategorya ng mga plake at gift certificate na may kaukulang halaga bilang pagkilala sa kanilang mga natatanging kontribusyon, kasabay ng iba pang special awards na nagbibigay-pugay sa mga indibidwal at organisasyong patuloy na nagsusulong ng kapakanan ng LGBTQIA+ community.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni LGBT Bulacan Federation President Peter John Dionisio ang patuloy na paglakas at pagiging organisado ng LGBTQIA+ community sa lalawigan. Aniya, mayroon nang 19 na SEC-registered LGBT organizations ang pederasyon at ito ay accredited na rin ng Sangguniang Panlalawigan, at nangako rin siyang patuloy na magsisikap upang maiangat ang moral at kapakanan ng LGBT community.
Samantala, tiniyak naman ni Nanunuparang Puno ng PHACTO Limuel Jan J. Lobederio na mananatiling matatag ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at PHACTO sa LGBTQIA+ community.
“Hangga’t mayroon kayong mga pangarap na nais ninyong makamit, mga kuwentong nais ninyong ibahagi, at mga ambag na nais ninyong ihandog sa ating lalawigan, patuloy kaming makikiisa at tatayo kasama ninyo,” ani Lobederio. (UnliNews Online)

