Tuesday, September 15, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsPandi, kampeon sa Parada ng Karosa 2026; Kakarong de Sili tampok sa...

Pandi, kampeon sa Parada ng Karosa 2026; Kakarong de Sili tampok sa nagwaging karosa

LUNGSOD NG MALOLOS — Nasungkit ng Bayan ng Pandi ang kampeonato sa Parada ng Karosa 2026 matapos magwagi ang kahanga-hangang karosang nagbigay-buhay sa makasaysayang Labanan sa Kakarong de Sili noong Enero 1, 1897.

Bukod sa tropeo, nag-uwi ang Pandi ng P100,000 premyo sa ginanap na awarding ceremony noong Lunes (Setyembre 14) sa Bulacan Capitol Gymnasium dito.

Idinisenyo ni Anthony Mancao, tampok sa nagwaging karosa ang makasaysayang labanan sa Kakarong de Sili, na nagsilbing mahalagang bahagi ng kasaysayan ng pakikibaka ng mga Bulakenyo para sa kalayaan.

Sa pamamagitan ng masining na disenyo at malikhaing paglalarawan, naipakita rin ng lahok ng Pandi ang mayamang kultura at pamana ng bayan, gayundin ang husay, talento at makasaysayang dangal ng mga mamamayan nito.

Itinuturing ang pagkapanalo bilang isang makabuluhang pagkilala sa pagsisikap ng Pandi na mapanatili at maipakilala sa mga bagong henerasyon ang mahahalagang kuwento at pamanang bahagi ng kasaysayan ng Bulacan.

“Ang pagkapanalo ng Pandi sa Parada ng Karosa 2026 ay isang malaking karangalan para sa amin. Sa pamamagitan ng aming disenyo, nais naming maipakita ang tapang at kasaysayan ng Pandi, lalo na ang mahalagang papel ng Labanan sa Kakarong de Sili. Higit sa isang karosa, ito ay aming munting ambag sa pagpapanatili at pagbabahagi ng ating kasaysayan at pagmamalaki bilang mga Bulakenyo,” ani Mancao.

Ayon kay Wilma Parulan, Senior Tourism Officer ng Pandi, nanatiling matatag at determinado ang kanilang grupo sa kabila ng tuluy-tuloy na pag-ulan at matinding init.

“Kahit po dumaan sa napakatagal at walang tigil na ulan at araw, dedicated po kami at ang mga tao namin na talagang tutukan ito araw man at gabi,” ani Parulan, at binigyang-diin na ang kanilang tagumpay ay una nilang iniaalay sa Diyos, kasunod ang Bayan ng Pandi na nagbigay ng suporta at tiwala upang maisakatuparan ang proyekto.

Samantala, nasungkit ng Bayan ng Hagonoy ang ikalawang puwesto, na tumanggap ng P70,000 at tropeo, habang pumangatlo naman ang Bayan ng Paombong, na nag-uwi ng P50,000 at tropeo.

Tumanggap naman ng tig-P20,000 consolation prize at tropeo ang mga bayan ng Calumpit, Norzagaray, at Bocaue, gayundin ang Lungsod ng Malolos, bilang pagkilala sa kanilang kahanga-hangang pakikilahok sa patimpalak.

Pinuri ni Gobernador Daniel R. Fernando ang lahat ng lumahok na pamahalaang lokal sa paggamit ng sining at pagkamalikhain upang mapanatiling buhay ang kasaysayan at kultura ng Bulacan para sa buong komunidad.

“Ang Parada ng Karosa ay hindi lamang pagdiriwang ng sining at pagkamalikhain, kundi isang paraan upang muling buhayin at maipakita sa ating mga kabataan at sa susunod na henerasyon ang mayamang kasaysayan at kultura ng Bulacan. Binabati ko ang lahat ng lumahok at nagpakita ng kanilang husay, talento, at pagmamalaki bilang mga Bulakenyo. Nawa’y patuloy nating pahalagahan, ipagmalaki, at ipasa sa susunod na henerasyon ang ating makulay na pagkakakilanlan at kasaysayan,” anang gobernador. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News