Tuesday, September 15, 2026
Amana Water Park
HomeNational NewsP17.3-M tulong, serbisyo hatid sa mga Bataeño sa ‘Handog ng Pangulo’

P17.3-M tulong, serbisyo hatid sa mga Bataeño sa ‘Handog ng Pangulo’

LUNGSOD NG BALANGA (PIA) — Umabot sa P17.3 milyon ang halaga ng tulong at serbisyong inilapit ng pambansang pamahalaan sa mga residente ng Bataan sa pamamagitan ng “Handog ng Pangulo 2026: Serbisyong Sapat Para sa Lahat” service caravan na ginanap sa Bataan People’s Center sa lungsod ng Balanga noong Setyembre 14.

Sa pangunguna ng pambansang pamahalaan at pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan, naghatid ang iba’t ibang ahensya ng mga serbisyo at programa para sa kalusugan, trabaho, kabuhayan at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan.

Isinagawa ang aktibidad bilang bahagi ng nationwide celebration para sa ika-69 na kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na ipinagdiwang noong Setyembre 13, upang ilapit ang mga serbisyo at programa ng pamahalaan sa mga komunidad.

Sa kanyang mensahe bilang kinatawan ng Pangulo, binigyang-diin ni Presidential Adviser for Pasig River Rehabilitation Jose Rizalino Acuzar ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga Pilipino sa kabila ng iba’t ibang hamon.

Kabilang sa mga hamong tinukoy niya ang pagtaas ng presyo ng petrolyo, tagtuyot, malalakas na pag-ulan at pagbaha sa ilang lugar.

“Mahirap man ang mga hamon na ating kinakaharap, tayo pong mga Pilipino ay laging handang magsama-sama at umahon. Kapag may pagsubok, lumaban. Kapag may problema, nagtutulungan,” ani Acuzar.

Ayon kay Acuzar, layunin ng Handog ng Pangulo na maihatid mismo sa mga komunidad ang mga serbisyo mula sa pambansa at lokal na pamahalaan, kabilang ang serbisyong pangkalusugan at mga programa para sa trabaho at kabuhayan.

Kabilang sa mga programa at serbisyong isinagawa sa Bataan ang Kadiwa ng Pangulo Trade Fair, Special Program for Employment of Students payout, Job Fair, Department of Labor and Employment Integrated Livelihood Program, pamamahagi ng starter toolkits at scholarship vouchers, at AKSYON Fund Assistance.

Kasama rin dito ang welfare, scholarship at reintegration assistance; farm machinery, equipment at iba pang agricultural interventions; Certificates of Land Ownership Award at e-Titles; Sagip Saka Program Assistance; at Assistance to Individuals in Crisis Situations payout sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport Assistance Program, bukod sa iba pang serbisyo mula sa mga ahensya ng pamahalaan.

“Sa probinsya ng Bataan, ang binigay ni Pangulo ay P17.3 million halaga ng tulong at serbisyong matatanggap ng ating mga kababayan galing sa pamahalaan,” ani Acuzar.

Hinimok niya ang mga residente na samantalahin ang mga serbisyong itinampok sa caravan upang makatulong sa kanilang pamilya, hanapbuhay at kinabukasan.

Samantala, sinabi ni Bataan Governor Jose Enrique Garcia III na mahalagang pagkakataon ang aktibidad upang mapakinabangan ng mga Bataeño ang mga serbisyo at benepisyong hatid ng pambansang pamahalaan.

“Mapalad po tayo kaya naman marami pong mga serbisyo at benepisyong ibibigay ngayong araw ay dahil nandito ang mga partners po natin mula sa national government agencies at civil society organizations,” ani Garcia.

Binigyang-diin din ng gobernador ang kahalagahan ng koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan at iba pang katuwang upang mas maraming mamamayan ang makinabang sa mga programa at serbisyo.

“Dahil po sa birthday ng ating Pangulong BBM ay meron pong iba’t ibang mga serbisyo, mga benepisyo na matatanggap ang ating pong mga kababayan. Kaya palakpakan po natin ang ating mahal na Pangulo sa kanya pong kaarawan. At siyempre pinagdadasal po natin na patuloy niyang mapamunuan ang ating bansa ng sa ganon ay umangat ang buhay ng bawat isang Pilipino,” dagdag ni Garcia.

Kaugnay nito, sinabi ni Acuzar na para sa Pangulo, isa sa pinakamahalagang handog sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan ang pagkakataong makapaglingkod sa sambayanang Pilipino.

“Patuloy po tayong magtulungan upang makabuo ng mas magandang kinabukasan para sa bawat Pilipino,” aniya.

Inaasahang magpapatuloy ang koordinasyon ng pambansa at lokal na pamahalaan sa paghahatid ng mga programa upang mas maraming mamamayan ang makinabang sa mga serbisyong pampamahalaan. (Ni Rick P. Quiambao)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News