LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Nagtagisan sa iba’t ibang tradisyunal na larong Pilipino ang mga mag-aaral mula sa Schools Division Offices (SDO) ng Bulacan, Malolos, Meycauayan at Baliwag sa isinagawang “Laro ng Lahi,” isa sa mga tampok na aktibidad ng Singkaban Festival, sa Bulacan Sports Complex.
Ipinamalas ng mga kalahok ang kanilang bilis, liksi, diskarte at teamwork sa mga paligsahang hango sa mga larong kinagisnan ng mga Pilipino.
Bukod sa kompetisyon, layunin ng aktibidad na muling buhayin at mapanatili ang mga tradisyunal na larong Pinoy at maipakilala ang mga ito sa bagong henerasyon.
Bahagi ang Laro ng Lahi ng mga programa ng Singkaban Festival na naglalayong itampok ang kultura, tradisyon at talento ng mga Bulakenyo.
Hinati sa apat na grupo na binuo ng pinaghalo-halong mag-aaral mula sa apat na SDO, masayang naglaro ang mga kalahok ng sack race, patintero, agawang panyo, kadang kadang, luksong lubid, luksong tinik, sipa, at trumpo.
Ayon sa Nanunuparang Puno ng Provincial Youth and Sports Development Office na si Abgd. Nikki Manuel S. Coronel, hangad ng Laro ng Lahi na bigyang-diin ang kahalagahan ng pagpreserba ng mga tradisyunal na Pilipinong laro at ipakilala ang mga ito sa bagong henerasyon ng mga Bulakenyo.
“’Yung programa po natin, gustong ipaalala na tayo ay may mga laro na kinagisnan ng mga nakatatanda sa atin. Gusto namin, laruin natin siya ng paulit-ulit, taun-taon para hindi natin makalimutan. Ang mga ito po ay nakagaganda po ng ating katawan, ng ating kalusugan, at ng ating disiplina,” aniya.
Samantala, ibinahagi naman ni Reing Leonard S. Layusa mula sa AFG Bernadino Memorial Trade School na mas naging makabuluhan ang kanilang pagkapanalo dahil sa pagkakataong matuklasan at maging bahagi ng isang proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan na nagtitipon sa mga kabatang Bulakenyo.
“Nanalo po kami dahil sa efforts ng mga kasama ko, hindi lamang po ako. Kaya nagpapasalamat po ako sa kanila pong lahat, dahil po sa effort nila, nanalo po kami,” anang mag-aaral mula sa nanalong koponan. (UnliNews Online)

