Saturday, September 19, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsUnang 10 Water Detention Basins, mobile pumps at modular barriers, aagarin ng...

Unang 10 Water Detention Basins, mobile pumps at modular barriers, aagarin ng DPWH sa pinaka-binabaha pa sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA) – Ngayong tinutugunan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga agaran at pangmatagalang solusyon sa pagbahaha sa Calumpit, Hagonoy at Paombong, reresulbahin naman ng ahensiya ang 10 pang mga bayan at lungsod na pinakabinabaha sa lalawigan.

Sa harapang pulong ni DPWH Secretary Vince Dizon kay Gobernador Daniel R. Fernando at mga local chief executives ng mga bayan at lungsod sa Bulacan, inilatag niya na may inisyal nang 10 Water Detention Basins ang ipapagawa ng ahensiya sa lalawigan upang tuluyan nang mabawasan at mapabilis ang paghupa ng baha.

ANG 10 proposed area ng Water Detention Basins na ipapagawa ng DPWH sa lalawigan ng Bulacan upang tuluyan nang mabawasan at mapabilis ang paghupa ng baha. (Shane F. Velasco)

Plano itong gawin sa mga Barangay ng Sto. Cristo at Subic sa lungsod ng Baliwag, at dalawa sa mga barangay ng Sto. Rosario, tig-iisa sa mga barangay ng San Vicente, Caniogan, Mabolo, dalawa sa barangay San Juan at tatlo sa Bulihan sa lungsod ng Malolos. Dinisenyo ito upang humigop ng mga sobrang tubig mula sa malakas na buhos ng ulan at pakakawalan sa mga sakahan bilang patubig sa panahon ng tag-araw.

Hinikayat ni Secretary Dizon ang mga local chief executives na magsumite sa DPWH ng sites na malinis ang mga papeles at walang problema sa right-of-way, upang mapagtayuan ng karagdagan pang mga water detention basins. Tiniyak niya na babayaran ito ng DPWH mula sa susunod na mga pambansang badyet. Bahagi ito ng mga medium term na pagtugon ng ahensiya kontra-baha na kayang gawin sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon.

Binigyang diin ng kalihim na hindi lamang dike ang kailangang gawin ng DPWH upang iiwas ang mga komunidad sa malaking pagbabaha. Kinakailangan aniyang ipunin ang tubig dahil kinakapos naman ang bansa rito sa panahon ng tagtuyot.

Nagsisilbing modelo nito ang ginawang detention basins sa magkarugtong na mga lungsod ng Imus at Bacoor sa Cavite na dinisenyo at pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) noong 2021 at natapos nitong 2024. Nagresulta ito sa pagbawas nang 70% nang pagbabaha sa gawing ito ng Cavite.

Habang hinihintay ang pagpapagawa nito sa susunod na mga taon, iba’t ibang agarang solusyon sa baha ang ibinigay ng kalihim base sa mga inilatag na sitwasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.

Sa iprinisinta ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) kay Secretary Dizon, ipinakita sa pamamagitan ng isang komprehensibong drone shots ang sitwasyon sa mga hindi napapansin pang sobrang binaha.

Natukoy sa 10 mga lugar na sakop ng San Miguel, San Ildefonso, San Rafael, Malolos, Guiguinto, Pandi, Balagtas, Bocaue, Marilao at Meycauayan ang mga sira o hindi gumaganang mga pumping stations, maling disenyo ng mga box culvert, maraming mga hindi natapos na mga dikes at mga pinondohang proyektong dike pero hindi nagawa.

Bilang agarang tugon, inutusan ni Secretary Dizon ang tatlong district engineering offices ng DPWH sa Bulacan ang pagdedestino ng mga mobile pumping equipment sa mga lugar kung saan hindi gumagana o sira ang nasabing mga pumping stations. Ito sana ang magbobomba ng sobrang tubig palabas sa mga ilog upang hindi bahain ang mga nasa likod ng dike.

Prayoridad na pagdalan nito ang mga barangay Saluysoy sa lungsod ng Meycauayan; Lolomboy, Bocaue; Panginay, Balagtas at sa Malis, Guiguinto upang masipsip ang mga natitira pang baha.

Ipinakilala rin ng kalihim ang paggamit ng mga modular barriers na dinisenyo ng isang Italian company na may pabrika nito sa Laguna. Ineexport ito sa iba’t ibang panig ng Europa na napatunayang mabisang pumigil ng baha. Ginamit na ang nasabing mga modular barriers sa kasagsagan ng malawakang pagbaha nitong Agosto 2026 sa Tulaoc section ng North Luzon Expressway (NLEX) sa San Simon, Pampanga.

Planong ilagay ang mga modular barriers sa kahabaan ng mga kailugan ng San Miguel and Bulo sa San Miguel; Anyatam, San Ildefonso; maging sa mga ilog at mga kanal ng patubig San Rafael. Ito’y matapos makumpirma sa drone shots ng PDRRMO na maraming putol na dike, hindi konektadong mga creek sa ilog at maling disenyo ng mga box culverts na pinagpopondohan lang ng tubig sa halip na humigop dito.

Pinapurihan naman ni Secretary Dizon ang proyektong nature-based coastal protection na ipinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos upang proteksiyunan sa high-tide ang coastal barangay ng Pamarawan sa tulong ng Kingdom of the Netherlands. Iba pa rito ang unang testing sa dalawang bagong water interceptors na ibinaon sa Mac Arthur Highway na napatunayang mabisa dahil hindi itong nalubog nitong nakaraang malakihang pagbaha.

Samantala, iniulat din ng kalihim na binuhay ng DPWH ang proyektong Pampanga Delta Phase II na mayroong modipikasyon. Sa halip na palalaparin ang kasalukuyang Labangan Channel, magpapatayo na lamang nang mas matataas na dike upang hindi na maging usapin ang paglilipat sa mga residenteng nakatira sa magkabilang panig ng nasabing channel.

Ang Labangan Channel ay isang artipisyal na anyong tubig na nag-uugnay sa Angat River sa Calumpit at Hagonoy patungong Manila Bay. Ididisenyo ito na kayang magpalabas ng sobrang ulan at mga tubig na inilalabas sa dam na sinasabayan ng high tide, nang hindi binabaha ang mga nakatira sa magkabilang panig nito sa susunod na 100 taon.

Tinatayang nasa P65 bilyon ang magagastos sa pagpapagawa ng matataas na dike sa kahabaan nitong channel na aabot sa 32 kilometro. Ayon pa kay Secretary Dizon, nagpahayag na ng interes ang JICA na magpondo para rito kaya’t kinakailangan aniyang maendorso ng Regional Development Council (RDC) at kalaunan sa Economic and Development Council para maiproseso ang mga rekisito para sa isang loan agreement.

Patuloy naman ang pagkukumpleto ng Asian Development bank (ADB) feasibility study para sa pagpopondo na maisakatuparan ang Manila Bay Integrated Flood Control Coastal Defense and Expressway Project para malagyan ng isang megadike na may expressway sa ibabaw ang may 150 kilometrong dalampasigan mula Metro Manila, Bulacan, Pampanga hanggang Bataan. Nagsisilbing pangmatagalang solusyon sa baha ang nasabing dalawang big-ticket projects. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News