LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Isang malaking hakbang tungo sa mas moderno at digitally ready na lungsod ang isinusulong ng Pamahalaang Lungsod sa pamamagitan ng paglulunsad ng kauna-unahang Tourism Super App sa Central Luzon, na layong gawing mas madali, mabilis at accessible ang pagtuklas sa mga destinasyon at tourism offerings ng lungsod.
Naisakatuparan ang kasunduan sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos at The Simplenight Philippines Inc. matapos lumagda ang dalawang panig sa Memorandum of Agreement (MOA) at Mutual Non-Disclosure Agreement (MNDA) noong Wednesday (Sept. 16).
Pinangunahan nina Mayor Atty. Christian D. Natividad at Solito G. Reyes II, Chief Product and Innovation Officer ng The Simplenight Philippines Inc., ang ceremonial signing na ginanap sa 2nd Floor Conference Room ng Mayor’s Office sa New Malolos City Hall.

Sa pamamagitan ng Tourism Super App, inaasahang mas mapapadali para sa mga turista at residente ang pagkuha ng impormasyon tungkol sa mga pasyalan, makasaysayang lugar, cultural attractions, events, kainan, lokal na negosyo at iba pang tourism-related activities sa lungsod.
Layunin din ng digital platform na maging isang madaling gamiting gabay para sa mga bisita sa pagpaplano ng kanilang paglalakbay, mula sa pagtuklas ng mga lugar na maaaring puntahan hanggang sa paghahanap ng mga produkto at serbisyong maaaring tangkilikin sa Malolos.
Malaki rin ang potensyal ng proyekto na makatulong sa mga lokal na negosyo at tourism stakeholders dahil mabibigyan sila ng karagdagang digital platform upang maipakilala ang kanilang mga produkto, serbisyo at tourism experiences sa mas malawak na merkado.
Para sa Pamahalaang Lungsod, ang inisyatiba ay bahagi ng patuloy na pagsisikap na gamitin ang teknolohiya upang mapahusay ang serbisyo, mapalakas ang turismo at makalikha ng mas magandang karanasan para sa mga residente at bisita.
Dala ng The Simplenight Philippines Inc. sa Malolos ang isang super app na tatawaging malolosrepublica.ph kung saan ito’y maghahatid ng mga impormasyon tungkol sa lungsod. Pero hindi lamang ito, bukod sa mga impormasyon at history trivia, magsisilbi rin ito bilang booking service para sa mga hotels, restaurants, transportation, at higit sa lahat ay mga museums na matatagpuan sa lungsod sa tulong ng malolosrepublica.ai.
Inaasahang magsisilbi ring tulay ang Tourism Super App sa pagitan ng teknolohiya, turismo at lokal na ekonomiya, habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapaunlad ng turismo nang kasabay ng pagtataguyod sa mga lokal na negosyo.
Sa paglulunsad nito, layunin ng Malolos na patunayan na maaaring pagsabayin ang makasaysayang pagkakakilanlan at makabagong teknolohiya upang higit pang mapalakas ang turismo at mapaangat ang lungsod bilang isang pangunahing destinasyon sa Central Luzon.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng adhikain ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pagiging isang ganap na SMART City, kung saan ang pamumuhay ay ginagawang mas-sustainable at livable para sa bawat mamamayan nito.
Ayon sa The Simplenight Philippines Inc. ang ang Malolos ay ang pinaka unang maglulunsad ng nasabing super app sa buong Central Luzon, matapos na maging matagumpay sa ibang panig ng bansa gaya ng Munisipalidad ng Pateros.
Dinaluhan din ito nina Joel S. Eugenio, City Administrator – City of Malolos, Ferdinand E. Durupa, Chief of staff – City Mayor’s Office, Omar Magno, Executive Assistant – City Mayor’s Office, at Rommel Santiago, Deputy Officer ng City of Malolos Arts and Culture, Tourism, and Sports. (UnliNews Online)

