Saturday, October 3, 2026
Amana Water Park
HomeNational NewsSimulain ng Malolos sa nature-based flood solution, isusulong na gawin sa ASEAN

Simulain ng Malolos sa nature-based flood solution, isusulong na gawin sa ASEAN

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Irereplika ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang simulain ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa Bulacan sa pagpapatupad ng isang nature-based flood solution.

Iyan ang sentro ng napagkasunduan sa ginanap na ASEAN-Netherlands Cross-Learning Workshop sa lungsod ng Malolos, na isang opisyal na pagtitipon kaugnay ng pagiging tagapangulo ng Pilipinas ngayong 2026

Tampok dito ang pagbisita ng mga delegado ng ASEAN at kasama si Kingdom of the Netherlands Ambassador to the Philippines Roderick Wols sa sinimulan nang North Manila Bay Nature-based Flood Solution sa palibot ng isla ng Pamarawan na isang latiang barangay sa Malolos sa bungad nito sa Manila Bay.

Ayon kay Malolos City Mayor Christian Natividad, ito ang nagsisilbing flagship project bilang kasapi ng Alyansa ng mga Baybaying Bayan sa Bulacan at Pampanga na naisakatuparan sa pamamagitan ng tulong-teknikal mula sa Kingdom of the Netherlands.

Binigyang diin niya na kung sa Malolos nagsimula ang pagsasabansa ng Pilipinas kung saan dito itinatag ang Unang Republika, napapanahon ding sa lungsod na ito magkaroon ng simulain ng mga pangmatagalang solusyon sa mga hindi na pangkaraniwang hamon ng pagbabaha.

Sa mahabang panahon, literal na pinagsasakluban ng dagat ang isla ng Pamarawan dahil wala na itong proteksiyon sa high tide at malalakas na alon dahil sa pagkasira ng mga pilapil at mga bakawan.

Taong 2024 nang pasimulan ang proyekto na agad nasubok nitong nakaraang matitinding pag-ulan, sunud-sunod na malalakas na bagyo at Habagat noong Agosto 2026.

Dahil sa pagkakagawa ng North Manila Bay Nature-based Flood Solution, hindi na iniaabot ng malalakas na alon ang mga tahanang ilang dekada nang nakatayo sa isla ng Pamarawan.

Tatlo ang pangunahing bahagi ng proyekto na pawang sumusuporta sa bawat istraktura. Una ang sediment trapping units na gawa sa kawayan na dinisensyo upang maibalik ang ecological balance sa Pamarawan, sa pamamagitan ng bagong patubuan at pagpapalago ng mga bakawan. Ito ang magiging bagong sangtuwaryo ng mga isda, alimango, alimasag at iba pang yamang dagat.

Para matiyak na hindi maaanod ng dagat ang ginawang sediment trapping, may nilagay na enhanced breakwater structures upang pumigil sa malakas na alon at maging ng high tide.

Bawat kudrado nito ay pinuno ng mga pinagbalatan ng talaba, tahong at iba pang aquatic resources na sinisik habang ang Green Embankment ay mga nabuong putik mula sa mga isinampal ng alon sa pagdaan ng panahon na magsisilbing natural na dike.

May inisyal na P130 milyon ang nagugol na ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa proyektong ito habang sinagot ng Netherlands Enterprise Agency ang paggawa sa detailed engineering design.

Mauugat noon pang 2008 nang unang mag-alok ng tulong ang bansang Netherlands upang matugunan ang matagal nang problema ng pagbabaha.

Kilala ang nasabing bansa, partikular ang kabisera nitong Amsterdam sa pagkakaroon ng regular na pagbabaha dahil sadyang below-sea level na ang lugar na ito.

Dahil sa matinong water management, nakokontrol nito ang pagsampa ng high-tide at mabilis na mailabas sa lungsod ang sobrang tubig kapag umulan.

Bilang pagkilala sa simulain ng pagtatagumpay ng Malolos na mabawasan ang pagbabaha at maibsan ang epekto ng labis na pagtama ng malalakas na alon, hangad ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na gawin itong modelo sa iba pang latian o coastal areas lalo na sa Pampanga na hanggang ngayo’y may mga lugar pa na hindi pa humuhupa ang tubig.

Para sa kalihim, isang patotoo ang North Manila Bay Nature-based Flood Solution sa Malolos na kaya ng pamahalaan na isulong ang isang partikular na proyekto basta’t gagamitin ang pondo sa tamang presyo, takdang panahon at nararapat na paggawaan.

Isa rin aniyang matatag na modelo ito na nagkakaroon ng agarang resulta ang pakikipag diplomasya ng Pilipinas.

Samantala, naging pagkakataon ang ASEAN-Netherlands Cross-Learning Workshop upang pormal na mapagtibay nina Secretary Dizon at Ambassador Wols ang bagong kooperasyon upang mapalawak pa ang mga nature-based projects sa iba’t ibang coastal areas ng Pilipinas.

Habang pinagtibay naman ng mga delegado mula sa ASEAN na gagawing prayoridad ang tagumpay ng Malolos na ihahain sa mga lider ng mga bansang kasapi sa paparating na 49th ASEAN Summit and Related Summits.

Ito’y upang matiyak na susundan ang magandang halimbawa ng Malolos sa larangan ng sustainable development ng mga karatig bansa sa Timog-Silangang Asya. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News