CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga, matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Pandi Municipal Police Station Drug Enforcement Unit ang isa sa mga miyembro ng Diamla Criminal Gang, na kabilang sa target ng COPLAN HAGORN sa isinagawang buy-bust operation noong Miyerkules ng umaga (September 30).
Sa isinagawang operasyon, naaresto ang suspek matapos magbenta sa isang police poseur-buyer ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, kapalit ng halagang P500.00 na buy-bust money.
Bukod dito, dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at isang piraso ng caliber .38 Smith and Wesson Special (S&W SPI) na baril na walang serial number, kasama ang tatlong piraso ng live ammunition, ang narekober mula sa naturang suspek.
Sa kabuuan, tatlong piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, na may tinatayang kabuuang timbang na 3.54 gramo at tinatayang P24,074.00 halaga ang nakumpiska mula sa mga suspek.
Sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt. Col. Darwin O. Abainza, Acting Chief of Police, nananatiling matatag ang Pandi MPS sa pagpapatupad ng mga operasyon laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang isang ligtas at mapayapang komunidad. (UnliNews Online)

