LUNGSOD NG MALOLOS — Sinuspinde ng Office of the Ombudsman ang limang inhinyero ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan dahil sa umano’y iregularidad sa tatlong flood control projects na nagkakahalaga ng P188.9 milyon sa Baliuag City.
Ipinataw ang preventive suspension without pay na tatagal nang hanggang anim na buwan habang iniimbestigahan ang mga kasong administratibo laban kina Irene D. Ontingco, Kevin A. Geronimo, John Michael E. Ramos, Bernardo P. Villafuerte, at Michelle C. Cruz.
Nahaharap ang limang opisyal sa mga kasong grave misconduct, serious dishonesty at gross neglect of duty dahil umano sa pamemeke ng mga dokumentong may kaugnayan sa implementasyon, inspeksiyon, billing at pagbabayad sa mga proyekto.
Kasama rin sa mga respondent sina dating Bulacan OIC District Engineer Brice Ericson Hernandez, dating Assistant District Engineer Jaypee Mendoza, dating Contract Claims Unit Head Arjay Domasig, at dating Accountant Juanito Mendoza.
Gayunman, hindi na ipatutupad ang suspensiyon sa ilang respondent na wala na sa serbisyo o kasalukuyang nakakulong. Kabilang dito sina Hernandez, Jaypee Mendoza, Domasig, Juanito Mendoza, DPWH engineer Norberto Santos at Administrative Officer Floralyn Simbulan.
Nagretiro naman sa serbisyo sina dating Administrative Officer Evelyn de Jesus at engineer Ernesto Galang, habang nagbitiw noong 2026 sina dating Materials Engineer Vicente Calderon at Project Engineer Merg Jaron Laus.
Bukod sa mga kasong administratibo, nahaharap din ang mga respondent sa magkakahiwalay na reklamong kriminal kaugnay ng umano’y anomalya sa nasabing mga proyekto.
Source: Abante

