LUNGSOD NG MALOLOS — Pinalalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang mga hakbang upang kontrolin, kung hindi man lubusang mapigilan, ang sakit na Dengue sa lalawigan ngayong dumating na ang panahon ng tag-ulan.
Sa inilabas na ulat ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU), nakapagtala ang lalawigan ng may kabuuang bilang na 1,290 suspected Dengue cases mula Enero 1 hanggang Mayo 27 na 41% mas mababa kumapara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Samantala, nakapagtala rin ng anim na kaso ng pagkamatay na may kinalaman sa Dengue.
Dagdag pa rito, limang bayan at lungsod ang natukoy na may barangay na may clustering o pagkakaroon ng apat o higit pang kaso ng Dengue sa nakalipas na dalawang linggo kabilang na ang Brgy. Kaypian, Muzon at Sto. Cristo ng Lungsod ng San Jose Del Monte; Brgy. Lambakin at Nagbalon ng bayan ng Marilao; Brgy. Lawa at Pandayan ng Lungsod ng Meycauayan; Brgy. Poblacion ng bayan ng Pandi; at Brgy. San Mateo ng bayan ng Norzagaray kung saan ang apektadong mga edad ay mula 1-85 taong gulang ngunit karamihan ng mga kaso ay mula sa edad na 1-10 taong gulang, na 46% ng kabuuang kaso.
Dahil dito, nilagdaan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang Memorandum DRF-03242023-121 for Awareness of Dengue Prevention and Control para sa 24 na mga punong bayan at lalawigan upang umaksyon at palakasin ang Barangay Dengue Task Force.
Pinaalalahanan din niya ang mga Bulakenyo na gawin ang kanilang bahagi upang protektahan ang kanilang mga sarili laban sa banta ng Dengue.
“Panahon na naman po ng tag-ulan, iwasan po natin na mag-imbak ng mga tubig na maaaring pangitlugan ng mga lamok. Hanggang maaari, takpan na lang ito o itapon. Magtulungan po tayong lahat upang mapuksa itong mga breeding site ng mga lamok at panatilihin din po natin na malinis ang ating mga tahanan. Ugaliin rin po natin na gumamit ng mga mosquito repellent upang makaiwas sa kagat ng mga ito,” anang gobernador.
Patuloy rin ang Pamahalaang Panlalawigan sa pagbibigay ng Dengue Chemicals at Dengue NS1 Kits sa mga bayan at lalawigan pati na rin sa mga ospital sa lalawigan at sumusuporta sa fogging at spraying upang mapuksa ang mga lamok.
Kung ang isang tao ay nakararanas ng lagnat sa loob ng dalawang araw o higit pa, inaabisuhan ng Provincial Health Office-Public Health ang publiko na magpakonsulta na sa pinakamalapit na ospital o Rural Health Unit para sa iba pang pagsusuri.
Ang Dengue ay isang sakit na naisasalin mula sa kagat ng babaeng lamok o ang Aedes Aegypti kung saan ito ay malimit na naninirahan at nangingitlog sa malilinis na tubig. Sa panahon ng tag-ulan, mas maraming pangitlugan ng lamok ang inaasahan. (UnliNews Online)