Friday, September 20, 2024
Amana Water Park
HomeNational News79 hired on the spot sa idinaos na Independence Day Job Fair...

79 hired on the spot sa idinaos na Independence Day Job Fair sa Cabanatuan

LUNGSOD NG CABANATUAN — Umabot sa 79 ang hired-on-the-spot sa idinaos na Independence Day Job Fair sa Cabanatuan.

Ito ay pinangasiwaan ng pamahalaang lungsod katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon kay Cabanatuan City Public Employment Service Office Chief Ronneil Sanopo, patuloy na nakaalalay ang pamahalaang lokal sa pagbibigay ng serbisyo hindi lamang sa mga mamamayan ng siyudad kundi maging sa mga karatig lugar.

Partikular dito aniya ang paglalapit ng mga bakanteng trabaho sa mga mamamayan mula sa pagdaraos ng mga job fair, local recruitment activity, at iba pa.

Kaniyang nilinaw na ang lahat ng mga idinaraos na aktibidad ay bukas para sa lahat tulad ang mga benepisyaryo ng iba’t ibang programa ng pamahalaan na Pantawid Pamilyang Pilipino Program, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at lahat ng mga kababayang naghahanap ng trabaho.

Ayon pa kay Sanopo, bilang sentro ng komersiyo sa lalawigan ay maraming kumpanya ang nag-aalok ng trabaho sa siyudad gaya ng sales representative, service crew, cashier, at accounting.

Naghahanap din aniya ang pamahalaang lokal ng mga heavy equipment operators na kailangan para sa mga kasalukuyang proyekto sa siyudad na pagtatayo ng mga flyover at mga bagong palengke.

Hinihikayat ni Sanopo ang mga naghahanap ng trabaho na makipag-ugnayan o magtungo sa tanggapan, at sumubaybay sa kanilang facebook page na Public Employment Service Office – Cabanatuan City para sa detalye ng mga isasagawang local recruitment activity.

Kaugnay ng idinaos na job fair ay ibinahagi ni DOLE Nueva Ecija Chief Labor and Employment OfficerMaylene Evangelista ang iba’t ibang programa ng kagawaran tulad ang Government Internship Program (GIP) na maaaring aplayan ng mga bagong graduate gayundin ang Special Program for Employment of Students (SPES) na layuning makapagbigay ng karanasan sa pagtatrabaho para sa mga mag-aaral na nasa kolehiyo pa lamang.

Mayroon din aniyang inihahandog na livelihood program ang tanggapan katuwang ang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan na bukas para sa may hilig sa pagnenegosyo.

Nagpaabot rin ng pasasalamat si Evangelista sa laging pagsuporta ng Pamahalaang Lungsod ng Cabanatuan sa mga programa ng ahensiya tulad sa pagdaraos ng trade fair, livelihood program, SPES, TUPAD, GIP at marami pang iba.

Source: PIA 3

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments