LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Naging makabuluhan ang selebrasyon ng “Men’s Health Month” sa nasabing lungsod ng magsagawa ng isang seminar ang mga kalalakihan ukol sa pagiging isang responsableng asawa, magulang, at indibidwal noong Martes (June 27) na ginanap sa Malolos City Regional Evacuation Center.
Nasa 50 panguluhan ng Tricycle Operators and Drivers Association mula sa iba’t ibang barangay ng lungsod ang dumalo sa “KATROPA: Kalalakihang Tapat sa Responsibilidad at Obligasyon sa Pamilya/Pamayanan.”
Layunin ng seminar na ito na hubugin ang mga kalalakihan na maging isang responsableng indibidwal, magulang, at katuwang para sa ikauunlad ng pamilya at ng kaniyang pamayanan. Nagsusulong din ito sa makabagong pananaw sa papel ng mga kalalakihan sa lipunan na may pagpapahalaga sa kanilang kakayahang maging responsable sa kanilang desisyon at maging tagasulong ng kalusugan ng kanilang sarili at pamilya.
Matagumpay na naisagawa ang naturang seminar sa pakikipagtulungan ng City Social Welfare Development Office (CSWDO), Population Welfare Division (POPCOM), City Health Office-Dental Division, City Legal Office, Lions Club of Malolos, PL Group, Aspen Philippines Inc., at Federation of Tricycle Operators and Drivers Association of Malolos Bulacan Inc. (FETODAMBI).
Kaugnay nito, nag-ulat sina Dra. Loretta Buenaventura Cabrera at Dra. Marie Sheila Soriano ng PL Group patungkol sa tamang pag-aalaga sa sarili lalo na sa bibig at ngipin. Nagbigay din sila ng payo sa kung paano ang tamang pagsisipilyo at tamang pagmumumog.
Sa kabilang banda, binigyang diin naman nina PPO4 Joemari Caluag at Faith Base Organization Pastor Aristotle Santiago ang tungkol sa makabagong pananaw sa tungkulin ng mga kalalakihan sa lipunan na may pagpapahalaga sa kanilang pamilya at pamayanan.
Sa pagtatapos ng seminar, sabay-sabay na nanumpa at lumagda ang mga panguluhan ng TODA bilang isang ganap na KATROPA na magiging pantay ang pagtrato kahit kanino, mabuting asawa, magulang at indibidwal, at tagapagpalaganap ng adhikain.
Bilang pagsuporta, ipinagkaloob sa mga benepisyaryo ang Scheduled Free Dental Check Up, katuwang ang City Health Office-Dental Division, Free Dental Kits mula sa PL Group sa pamumuno ng kanilang pangulo Dr. Dennis De Dios, Libreng salamin mula sa Lions Club of Malolos sa pamumuno ng kanilang presidente Gng. Alberto Carating at sa papamagitan ni Past District Governor Bokal Allan Andan, Free Katropa Tshirt mula kay Konsehal Mikki Sotto, Free Giveaways of Kwell-Anti Lice Shampoo mula kay CEO of Aspen Philippines Gng. Ace Itchon, IEC materials mula sa POPCOM, at bigas mula sa Pamahalaang Lungsod ng Malolos.
Nagbigay din ng pagsuporta sina Commission on Transportation Chairperson Konsehala Ayee Ople at Konsehal Atty. Niño Carlo Bautista, kabilang ang ilang kawani ng POPCOM, mga staff ni Bokal Allan Andan, at mga miyembro ng PL group. (UnliNews Online)
Source: Malolos CIO