MAGPAPATULOY ang ayuda at suporta ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga kasapi ng media bilang pagpapatunay na mahalaga ang kanilang kapakanan sa ilalim ng administrasyon ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ito ang pagtitiyak ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa ginawang ‘courtesy call’ sa kanyang tanggapan nitong Hunyo 30, 2023, ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Paul M. Gutierrez.
Sa kanilang pagpupulong, ibinulgar din ni DSWD Undersecretary for Special Concern Edu Punay na sa kabuuan, umabot na sa 1,025 kasapi ng media at kanilang pamilya ang natulungan ng DSWD sa pagpasok ng administrasyong Marcos noong Hulyo 2022 hanggang sa pagtatapos ng Hunyo 2023.
Parehong aktibong kasapi ng media sina Gutierrez at Punay bago sila naitalaga sa kani-kanilang posisyon sa gobyerno ni Pang. Marcos Jr. Samantala, alkalde ng Valenzuela City si Gatchalian bago itinalaga ng Pangulo sa DSWD nitong Enero 31, 2023, kapalit ni Sec. Erwin Tulfo, na isa ring respetadong mamamahayag.
Sa datos ng Media Welfare Division ng DSWD na pinamumunuan ni Punay, 689 kasapi ng media at kanilang pamilya ang natulungan noong 2022 at 389 simula Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon.
Sa nangyaring pagpaslang kay Oriental Mindoro Cresenciano ‘Cris’ Bundoquin sa Calapan City noong Mayo 31, 2023, umabot sa P90,000 ang cash assistance na naibigay ng PTFoMS/Office of the President at DSWD sa pamilya Bundoquin. Ang halaga ay bukod pa sa educational at livelihood assistance na ibinigay sa kanila batay sa direktiba ng DSWD chief.
Kasalukuyan namang nasa kustodya ng National Bureau of Investigation (NBI) ang suspected gunman sa pagpatay kay Bundoquin na si Isabelo Lopez Bautista matapos sundin ang apela ni Gutierrez na sumuko at harapin ang bintang sa kanya. Sumuko si Bautista nitong Hunyo 27, 2023 sa NBI-NCR sa Maynila.
Noong Hunyo 6, 2023, matatandaan na naging mabunga rin ang pakikipagpulong ni Gutierrez kay Public Attorney’s Office (PAO) chief, Atty. Persida Acosta kung saan ang mga PAO lawyers ang magiging abogado ng sino mang kasapi ng media na masasampahan ng kasong libelo saan mang panig ng bansa. (UnliNews Online)