LUNGSOD NG CABANATUAN — May payo ang Department of Health (DOH) Nueva Ecija sa lahat upang makaiwas sa pagkakasakit ng Dengue ngayong panahon ng tag-ulan.
Ibinahagi ni DOH Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa ang 4S strategy kontra sa nasabing sakit.
Una ang Search and Destroy o pagpuksa sa maaaring maging breeding sites ng mga lamok tulad ang naimbak na tubig na pinamamahayan ng itlog, kiti-kiti at larva.
Para makasiguro ay itapon ang naimbak na tubig sa mga basyo na walang takip, gulong at bote gayundin ay palitan ang tubig sa mga flower vase minsan sa isang linggo.
Pangalawa ay ang Self-protection sa pamamagitan ng pagsusuot ng mahahabang damit at pagpapahid ng mosquito repellent kada anim na oras.
Kaniya ring binanggit ang 4 o’clock habit dahil ang mga lamok na nagdadala ng Dengue ay kumakagat tuwing ala sais hanggang alas otso ng umaga at mula alas kwatro ng hapon hanggang alas otso ng gabi.
Pangatlo ay ang Seek early consultation lalo ngayong panahon ng tag-ulan na karaniwan ang nagkakasakit ng lagnat na may kasamang pananakit ng katawan kaya agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na Rural Health Unit o ospital upang matukoy ang sakit at mabigyan ng wastong gamutan.
At pang-apat ang Support fogging/spraying in hotspot areas.
Ayon kay Espinosa, maituturing na hotspot area ang isang barangay na nakapagtala ng mga kaso ng dengue sa magkasunod na dalawang linggo.
Pagkatapos aniya ng fogging ay mahalaga pa ring ipagpatuloy ang paglilinis at pag-aalis ng mga breeding site ng lamok upang maging epektibo ang lahat ng hakbang kontra sa pagkakasakit ng dengue.
Kaniyang sinabi na bukod sa pagkakaroon ng malinis na kapaligiran ay panatilihin ang pagkakaroon ng malusog na pangangatawan upang hindi madaling kapitan ng anumang sakit tulad ng dengue, leptospirosis, COVID-19 at iba pang mga sakit.
Kaugnay nito ay iniulat ng Provincial Health Office (PHO) na umabot na sa 1,391 ang cumulative dengue cases sa buong lalawigan na naitala simula Enero hanggang Hunyo 16.
Ayon kay PHO Chief Josefina Garcia, 23 mga bayan at siyudad sa Nueva Ecija ang nakapagtala ng mas mataas na kaso samantalang siyam na lokalidad ang bumaba ang bilang ng mga nagkasakit kumpara sa mga datos noong nakaraang taon.
Kaniya ring iniulat ang tatlong nasawi dahil sa dengue sa mga bayan ng Guimba at Zaragoza, at lungsod ng Gapan.
Source: PIA Region 3