Friday, December 6, 2024
Amana Water Park
HomeProvincial News32,340 pamilyang Bulakenyong 4Ps, matagumpay nang nakatawid sa kahirapan

32,340 pamilyang Bulakenyong 4Ps, matagumpay nang nakatawid sa kahirapan

PLARIDEL, Bulacan — Nagsipagtapos na ang unang 562 na pamilya na taga-Plaridel, Bulacan bilang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Ayon kay Josephine David, provincial link ng DSWD sa Bulacan, bahagi sila ng nasa 32,340 ng mga pamilyang Bulakenyong nakatakdang magsipagtapos hanggang sa kalagitnaang bahagi ng 2023.

Ipinaliwanag niyang nagtatapos o nagiging graduate na sa 4Ps, kung makikitaan at mapapatunayang nakakatayo na sa sariling mga paa ang isang pamilyang benepisyaryo.

Halimbawa nito ang pagkakaroon ng kakayahan na mapatapos sa pag-aaral ang anak, na kalaunan ay makakatuwang na rin sa iba pang gastusin kahit hindi na kasama sa 4Ps.

Gayundin kung mayroon na itong naipundar na matatag na kabuhayan na kayang tumustos sa kanilang pangangailangan na hindi na kailangang umasa sa natatanggap sa 4Ps.

Kung naabot ang mga ganitong sitwasyon ng buhay ng mga benepisyaryo ng 4Ps, pasado na ito sa Level 3 self sufficiency base sa Social Welfare and Development Indicator o SWDI.

Dito masasabing nakatawid na o naipanalo nito ang laban sa kahirapan sa tulong ng iba’t ibang makakaugnay na istratehikong programa sang-ayon sa umiiral na Republic Act 11310 o Pantawid Pamilyang Pilipino Program Act of 2019.

Mismong si DSWD Secretary Rexlon Ting Gatchalian ang nanguna sa idinaos na Pugay Tagumpay 2023 sa bayang ito, bilang pagbibigay ng mataas na pagkilala at pagpapahalaga sa mga pamilyang matagumpay na nalabanan ang kahirapan sa pamamagitan ng 4Ps.

Ang 4Ps ay isang pambansang istratehiya ng pamahalaang nasyonal upang malabanan ang kahirapan sa pamamagitan ng pamumuhunan sa edukasyon, kalusugan, nutrisyon at iba pang pangunahing kailangan, sa pamamagitan ng conditional cash transfer sa mga mahihirap na pamilyang matutukoy ng National Household Targeting System o NHTS.

Aniya, ang pagpapatuloy ng programang 4Ps ay magtitiyak na puputulin nito ang pagsasalinsalin ng kahirapan sa mga sumusunod na henerasyon. Kaya’t pinayuhan ng kalhim ang mga pamilyang dating benepisyaryo na huwag matakot sa pagtatapos ng mga natatanggap na conditional cash transfer mula sa 4Ps.

Binigyang diin ni Secretary Gatchalian na hindi iiwanan ng DSWD ang mga nagsipagtapos na dating benepisyaryo, dahil patuloy na aalalay ang ahensiya upang magkaroon sila ng pangmatagalang kabuhayan.

Naglaan ng P6 bilyon ang DSWD para sa Sustainable Livelihood Program o SLP mula sa Pambansang Badyet ng 2023. Isa itong programa kung saan nagkakaloob ng hanggang P15 libong halaga ng mga kagamitan at kasangkapan ang ahensiya para sa benepisyaryo ng SLP.

Ang sistema ayon kay Alexine Castaneda, tagapagsalita ng DSWD-Region III para sa 4Ps, magsasagawa ng komprehensibong pagsasanay ang ahensiya depende sa uri ng kabuhayan na mapipili ng dating benepisyaryo ng 4Ps.

Kabilang dito ang national competitiveness o NC III sa larangan ng welding, dress making, cookery, baking at iba pang skills training na ibig matamo.

Bukod sa SLP na pinondohan ng DSWD, nag-aalok din ang pamahalaang lokal ng puhunan para sa mga nagsipagtapos sa 4Ps. Ayon kay Plaridel Mayor Jocell Aimee Vistan- Casaje, naglaan ng P500 libo ang pamahalaang bayan para sa Local SEA-K o Self Employment Assistance-Kaunlaran.

Maaari aniyang pangdagdag ang puhunan na mula sa Local SEA-K sa matatanggap na kagamitan at training mula sa SLP ng DSWD.

Tiniyak naman ni Mayor Casaje na isasama rin sa Kabataang Iskolar ni Del Pilar ang mga anak ng dating benepisyaryo ng 4Ps, na nag-aaral pa na popondohan ng Pamahalaang Bayan ng Plaridel.

Ibinalita rin ni Bise Gobernador Alex Castro na ang kasalukuyang 16 libong benepisyaryo ng iba’t ibang scholarship grants ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, ay dadagdagan pa upang maisali ang mga nag-aaral pang anak ng mga dating nasa 4Ps.

Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Secretary Gatchalian na ang pagtatapos ng 32,340 na mga pamilyang Bulakenyo bilang benepisyaryo ng 4Ps ay simulain sa marami pang inaasahan na makakatawid sa kahirapan.

Magiging ambag aniya ang mga nagsipagtapos at magsisipagtapos pa sa target ng administrasyong Marcos na Single-Digit Poverty Rate sa Pilipinas pagsapit ng taong 2028. Kinikilala ng kalihim ang naging malaking papel ng 4Ps upang patuloy na mapababa ang bilang ng mahihirap sa bansa.

Base sa tala ng Philippine Statistics Authority o PSA, tuluy-tuloy ang pagbaba ng poverty rate sa bansa mula noong taong 2000 na nasa 34%, bumaba sa 26% noong taong 2009 sa pagtatapos ng administrasyong Arroyo, mas bumaba pa noong taong 2015 sa 21% sa huling taon ng administrasyong Aquino III at 16% noong taong 2018 sa kalagitnaan ng administrasyong Duterte.

Bagama’t bahagyang tumaas sa 18% noong taong 2021 dahil sa matinding epekto ng pandemya, higit na mas mababa pa rin ito kumpara sa nakalipas na halos 20 taon. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments