Friday, September 20, 2024
Amana Water Park
HomeProvincial NewsPlanong pagtataas ng Tulaoc Bridge sa NLEX Pampanga, isasagawa

Planong pagtataas ng Tulaoc Bridge sa NLEX Pampanga, isasagawa

SAN SIMON, Pampanga — Pinag-aaralan na ang pagtataas ng lebel ng tulay ng Tulaoc sa bahagi ng North Luzon Expressway o NLEX sa San Simon, Pampanga, kasunod ng pag-apaw ng tubig sa magkabilang bahagi ng nasabing expressway bunsod ng bagyong ‘Egay’.

Ayon kay Rogelio Singson, pangulo at chief executive officer ng Metro Pacific Tollways Corporation o MPTC, na may konsesyon sa pamamahala sa operasyon at modernisasyon ng NLEX, ito ang nakikitang pangmatagalang solusyon upang maiwasan na umabot sa expressway ang mga pagbabaha.

Matatandaan na nalubog sa baha ang magkabilang panig ng NLEX dahil sa pag-apaw ng Ilog Pampanga kung saan nakakabit ang sapa ng Tulaoc, sa kasagsagan ng malakas na pagbuhos ng ulan nang tumama ang bagyong ‘Egay’ na sinabayan pa ng Habagat.

Sa kasalukuyan, nagdagdag ng mga traffic marshals ang NLEX Corporation ng MPTC upang mabawasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko mula sa Candaba Viaduct sa bahagi ng Pulilan, Bulacan hanggang sa Tulaoc sa San Simon, Pampanga.

Inirerekomenda na subukang gamitin ang mga alternatibong ruta upang maiwasan ang bahaging ito ng NLEX na may baha. Halimbawa na rito ang pagpasok sa Pulilan Exit upang makalabas sa Manila North Road o Mac Arthur Highway.

Naitaas na ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang lebel ng kalsada rito mula sa Calumpit, Bulacan at Apalit, Pampanga kaya’t wala nang baha. Ang lugar na ito ay malapit na sa San Simon Exit kung saan uubrang pumasok muli sa NLEX.

Ibinalita rin ni Singson na patuloy ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng MPTC sa Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga at Pamahalaang Bayan ng San Simon, upang maisaayos ang mga waterways at river system upang magkaroon ng kapasidad na saluhin ang malakas na buhos ng ulan.

Ito aniya ang pinakamabilis na solusyon habang hinihintay na matapos ang disenyo para sa gagawing mas mataas na tulay ng Tulaoc sa NLEX.

Kaugnay nito, patuloy na nakasara pa rin ang Pasig-Potrero Bridge sa westbound lane ng Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX na patungo sa direksiyon ng Subic Freeport Expressway o SFEX na papasok sa Subic Bay Freeport Zone.

Bahagi ito ng preventive measure dahil sa nauukang bahagi ng mga lahar na malapit sa mga poste at pundasyon ng nasabing tulay. Kaya’t pinapayuhan ng NLEX Corporation ang mga motoristang patungo sa Subic Bay Freeport na pumasok sa San Fernando Exit ng NLEX.

Tahakin ang Gapan-San Fernando-Olongapo Road kung saan maaaring makarating sa SCTEX sa pamamagitan ng mga interchanges sa Porac at Floridablanca sa Pampanga at sa Dinalupihan sa Bataan.

Nananatili namang bukas ang SCTEX hanggang Clark South Interchange sa westbound at ang eastbound nito patungo sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway o TPLEX.

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments