CAMP ALEJOS SANTOS, Bulacan — Isang hinihinalang drug den sa Brgy. Bagong Nayon, Lungsod ng San Jose del Monte ang nilusob ng mga otoridad at nasakote ang walo katao kabilang ang 3 kababaihan at nasamsam ang P13,600 halaga ng shabu nung Biyernes (Aug. 4).
Base sa ulat ng pulisya, kinilala ang mga nadakip na sina Aira Kenneiker, 20 anyos, Riza Canonigo, 22, Rowena Evite, 51, Orlando Briones, 42, Mark Christian Calipayan, 35, John Rico Aguilos, 18, Neptune Añuevo 40, at Jeffrey Ducoy.
Ayon kay SJDM acting chief of police P/Lt. Col. Ariel Narboada, ikinasa ang operasyon dakong alas-5:40 ng hapon sa Brgy. Bagong Buhay 1, Area B, Purok 7.
Ayon sa report, nabilhan umano ng isang sachet na pinaghihinalaang shabu ng poseur buyer sina Orlando at Mark habang ang iba naman ay naaktuhang gumagamit ng shabu sa hinihinalang drug den.
Nakumpiska sa operasyon ang 14 sachets ng pinaghihinalaang shabu kabilang ang buy-bust item na tumitimbang ng 2-gramo, 2 pirasong lighter, improvised bulb tooter at marked money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang lahat ng mga naarestong indibidwal at ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri.
Mga reklamong kriminal para sa mga paglabag sa R.A. 9165 laban sa mga suspek ay inihahanda na para sa pagsasampa sa korte. (UnliNews Online)