LUNGSOD NG MALOLOS — Personal na binisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos ang lalawigan ng Bulacan noong Lunes (Aug. 7) upang maghatid ng mga tulong ng gobyerno sa mga Bulakenyong naapektuhan ng malawakang pagbaha dulot ng habagat na pinalakas ng mga bagyong Egay at Falcon.
Sa pagdalaw ng Pangulo ay nagsagawa ng dayalogo ang mga lingkod bayan sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando at Bise- Gobernador Alex Castro na dinaluhan ng mga punong bayan na apektado ng baha dulot ng bagyong Egay na ginanap sa Hiyas Pavillion Convention Center sa nabanggit na lungsod
Pinakinggan ni PBBM ang mga inilatag na suhestiyon ng mga opisyal na maaaring magresolba sa pagbaha na ilang dekada ng nararanasan. Dahil dito nalaman ng pangulo ang mga dapat gawin.
Kabilang sa pinaboran ni PBBM ang flood management master plan para sa flood control projects sa lalawigan.
Isa rin sa napag- usapan ang paglilinis ng mga drainage canals at tiyakin kung walang pagkakamali o sagabal sa pagdaloy ng tubig. Bukod dito tinukoy din ang paglalagay ng mga flood gates, pumping station sa iba’t ibang bayan at pagsasaayos ng mga irigasyon.
Sinabi ni PBBM na “Pansamantala, dregging ang pinakamabilis muna na solusyon at kinakailangan na talagang hadaliin ang paghuhukay sa mga kailugan dahil sa climate change”.
Samantala, nagbigay din ng pahayag si Malolos City Mayor Atty. Christian D. Natividad, aniya “dapat ibalik natin ang mga water waste o mga sapa mula Meycauayan hanggang Calumpit na tinabunan”.
Sa ginawang pagdalaw sa Bulacan ni PBBM siya ay nagbigay ng mga food packs bukod pa dito ay magkakaloob din ng cash assistance para sa mga nasalanta at materyales naman para sa mga nasirang kabahayan.
Lubos na pinasalamatan ni Gob. Daniel Fernando si Pangulong Bong Bong Marcos sa ginawang pagbisita sa Bulacan at sa mga tulong na pinagkaloob nito para sa mga Bulakenyo. Dagdag pa ng gobernador “nagpapasalamat ako at pinakinggan ng ating mahal na pangulo ang boses ng Bulacan LGU’s”.
Nanawagan at nakikiusap si Gob. Daniel Fernando sa mga Bulakenyo na “huwag magtapon ng basura kung saan- saan, panatiliin po natin na malinis ang ating kapaligian upang maiwasan ang pagbara ng basura sa mga daluyan ng tubig at nang maging maayos ang pagdaloy nito”. (UnliNews Online)