PAOMBONG, Bulacan — Tuluy-tuloy at walang pinipiling araw o panahon ang pagsasagawa ng relief operation ang pamahalaang panlalawigan sa pangunguna nina Gov. Daniel R. Fernando katuwang si Vice Gov. Alex Castro sa mga bayan at lungsod na naapektuhan ng bagyong Egay at Falcon kasabay ng hanging habagat na nagdulot na malawakang pagbaha sa naturang probinsya.
Personal na dinadala ni Fernando at Castro ang mga relief goods at tulong sa mga barangay na matinding naapektuhan ng dumaan na kalamidad.
Hindi inalintana ng gobernador ang matinding pagod at ang pagiging abala sa mga kanyang mga ‘schedules’, masiguro lang na personal na maihatid ang mga tulong ng Pamahalaang Panlalawigan at mga national agencies sa mga Bulakenyo.
Ani ng kapitan ng Barangay Caingin sa Lungsod ng Malolos na si Kap. Tom Reyes, “Ibang mag-alaga si Gov. Daniel, mismong personal na kinakausap ang mga apektadong kababayan at tinatanong kung ano ang maitutulong niya.”
“Kaya tinawag na People’s Governor dahil ibang klaseng pagmamahal at suporta ang ibinibigay sa kanya ng mga Bulakenyo. Iba ang alagang Fernando at Castro,” dugtong pa ng kapitan.
“Mahal namin si Gov. Daniel.” Saad naman ng isang mother leader sa coastal barangay sa bayan ng Paombong. “Walang araw ng Sabado o Linggo at holiday kay Gov. Daniel. Kasehodang matindi ang sikat ng araw o umuulan, personal na ibinibigay niya ang mga relief goods sa mga kababayang lubhang naapektuhan ng kalamidad.”
Ani naman ng gobernador, nais niya umanong madama ng kanyang mga kababayan ang kanyang pagmamahal at pag-aalaga ng mga naapektuhang kababayan ng kalamidad.
“Gusto kong makita at maramdaman ng mga Bulakenyo ang aking taos pusong pagtulong bilang ama ng lalawigan sa pamamagitan ng paghahatid ng personal ng mga agarang tulong o ayuda sa mga naging biktima ng malawakang pagbaha,” ani Gov. Fernando sa maikling panayam ng mga mamamahayag.
Nitong August 21, 2023, habang ginugunita ng mga Filipino ang anibersaryo ng kamatayan ng dating Senador Ninoy Aquino Jr., abala naman na nagsasagawa naman ng relief operation si Gov. Fernando at Vice Gov. Alex Castro sa mga coastal barangays sa mga bayan ng Hagonoy at Paombong. (UnliNews Online)