BIGYAN natin ng puwang na batiin si Ma. Gladys Cruz-Sta. Rita, mula sa bayan ng Marilao, itinanghal bilang Natatanging Babae sa ginanap na Gawad Medalyang Ginto sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Lungsod ng Malolos, kamakailan.
Sinabi ni Gobernador Daniel R. Fernando na, “hindi lamang ilaw ng tahanan ang mga babae, kundi sila rin ang pundasyon ng matibay na tahanan dahil ang katatagan ng pamilya ay nagmumula sa katatagan ng mga ina. Tungkulin po nating bigyan din ang mga kababaihan ng kapanatagang mamuhay sa isang malaya, ligtas, at inklusibong lipunan. Panahon na upang pagbuksan natin sila ng maraming pintuan tungo sa kanilang pag-unlad. Panahon na upang lumikha ng isang mundo ang mga kababaihan na pantay na kasama sa lahat ng aspeto ng lipunan.”
*****
Mensahe ng ‘fans’ ng Katropa
Namnamin natin ang ipinadalang mensahe ng isang matagal ng sumusubaybay sa Katropa, narito po ang kanyang liham na puno ng pagmamahal: ”Ang tunay na Kaibigan ay nagpapasaya, nagmamahal, nagpapaiyak, pero higit sa lahat nagbibigay halaga. Ito ay napatunayan ng magkakaibigan, na bagamat sa social media nagmula ito ay pinag-isa, binuo at pinatatag ng isa sa iniidolo at hinahangaan kong magaling na Kartunista at Manunulat sa dyaryo.
Nagsimula noong ako ay nasa koleheyo pa lamang sa isa sa unibersidad sa Maynila, at magpa- hanggang ngayon sya ay aktibong nagsusulat pa din ng mga artikulo, na sa hindi ko inaakala ay makakasalubong ko siya isang araw, makilala, makita ng personal, maging kaibigan, makausap at makasama sa litrato.
Masasabi ko na mapalad ako dahil ang akala ko sa mga guhit at artikulo na lamang niya, ang aking nakikita tulad ng Cartoon strips na Topacio sa Pilipino Express at Tarug sa Daily Express, noon, at iba pa. Katunayan doon ako natuto mangolekta ng mga artikulo niya, dahil marami kang makukuhang aral hindi lamang sa sitwasyon ng ating bansa, pulitika, kundi mga aral na din sa atin bilang isang mamamayan.
Ako bilang isang Edukador naibabahagi ko din sa mga magaaral ang mga natutunan at opinyon na nakukuha ko sa kanya, tulad ng mga pag-iingat ng kabataan sa panahon ngayon at marami pa.
Bilang isang tagahanga ng taong ito ay hindi ko matapus-tapos maisulat ang mga kabutihang naibibigay nya sa taong bayan sa mamamayan, at sa amin bilang mga kaibigan. Siya ay nagbibigay saya sa kanyang Katropa kolum, mga payo, bukas ang puso kapag nilapitan at hingian mo ng mga ideya or opinyon andyan siya, upang alalayan ka at hindi ka mapapahiya,
Kami ay sobrang masaya at malugod na nakilala naming ng personal, siya si Vic Billones 111, at ang iba pang mga kaibigan na dati ay nasa larangan din ng edukasyon. Salamat at nakilala ka namin saludo ako sa iyo My idol Journalist. God bless you always and your Family, Ms. Melita Arbado, Guidance Counselor.
Tsk! Tsk! Tsk! Salamat sa nakabibilib at nakakatuwang mensahe ni Bb. Arbado, isang tagapayo at gumagabay mula sa isang prestihiyosong paaralan sa katimugan ng Luzon. Kasama ni Ms. Melita na nakipagkita sa inyong lingkod sina Marietta Dayao Lapuebla, isang retired Nurse, at ngayon ay namamahala ng kanyang sariling Mednurse HealthKit Merchandise, kasama ang kanyang anak na si Maximine Mario, at Sec. Phoebe Pullicar Fegidero. (UnliNews Online)