LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng iba’t ibang uri ng tulong sa mga residente ng lungsod ng San Jose del Monte.
Inihayag ng Pangulo na maghahanap ang gobyerno ng mga paraan upang maipagpatuloy ang tulong sa mga Pilipinong nangangailangan dahil sa naging epekto ng pandemya.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang tulong at suporta na ibinibigay ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Idinagdag din niya na nakatuon ang administrasyon sa paglikha ng mga disente at de-kalidad na trabaho para sa mga Pilipino.
Kaugnay nito, nagkaloob ang Department of Agriculture o DA ng 5.5 milyong piso na tulong pinansiyal sa ilalim ng Integrated National Swine Production Initiative for Recovery and Expansion o INSPIRE para sa mga hog raiser na naapektuhan ng African Swine Fever o ASF.
Layunin nito na muling makapagparami ng mga ASF-Free na baboy upang maibalik ang mas maraming suplay ng lokal na karne sa mga pamilihan.
Nasa limang milyong piso ang ibinigay ng DA sa mga magsasaka na kasapi ng Dulong Bayan Farmers Association upang makapaglagay ng isang mechanical grain dryer at makapagpatayo ng isang warehouse.
Iba pa rito ang pagkakaloob ng tatlong rice combine harvesters na pinondohan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF na ipinatupad naman ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization.
Ang RCEF ay nakolektang buwis mula sa ipinataw na taripa sa mga inangkat na Bigas ng mga pribadong mangangalakal sa ilalim ng Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law.
Bahagi ito ng mga agarang hakbang ng administrasyong Marcos upang matiyak ang produksyon ng palay at katatagan ng suplay ng bigas sa merkado lalo ngayong panahon ng tag-araw.
Sa larangan naman ng trabaho at hanapbuhay, tumanggap ng sahod ang nasa 946 na nabigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho sa ilalim Tulong Pangkabuhayan sa Ating mga Disadvantaged/Displaced workers o TUPAD ng Department of Labor and Employment.
Isa itong 11 araw na emergency employment program na ibinibigay sa mga indibidwal kung saan ang sweldo ay maaring mailaan para makapagsimula muli ng bagong pagkakakitaan.
Naglaan naman ng 300 libong piso para sa 10 Negokarts sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program habang tatlong indibidwal ang napagkalooban ng sari-sari store package kung saan tumanggap sila ng 20 libong pisong halaga ng mga paninda.
Samantala, may anim na mga micro, small and medium enterprises sa Bulacan ang pormal na nakatanggap ng naaprubahang aplikasyon para makahiram ng puhunan.
May kabuuang halaga ito na 3.4 milyong piso sa ilalim ng Resilient, Innovative and Sustainable Enterprises, Unleash your Powers o RISE-UP ng Small Business Corporation ng ahensya.
Pinagkalooban din ng karagdagang puhunan na aabot sa isang milyong piso ang 50 magsasaka ng kape sa lungsod ng San Jose Del Monte.
Para sa mga pag-agapay sa mga pamilyang lumalaban sa kahirapan, may halagang 2.4 milyong piso ang inilaan para sa kabuuang 483 benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations ng Department of Social Welfare and Development.
Ang AICS ay nagsisilbing safety net na mekanismo upang suportahan ang pag-ahon ng isang indibidwal mula sa hindi inaasahang krisis gaya ng sunog, pagkakasakit o pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya, kalamidad at iba pang sitwasyon.
May pasunod pa ito na family food packs para sa nasabing mga benepisyaryo habang may inilaan na 450 libong piso para sa limang Sustainable Livelihood Program Association. (UnliNews Online)
Source: PIA Bulacan